Issue#3: April - June 2003

Allan Popa


Anay at Nilalaman

Pulbusin mo anay ang kulungang kahon.

Palayain ako sa aking kahapon.

 

Halos isang dekada na ang lumipas mula nang isulat ko ang mga linyang ito bilang wakas ng sonetong “Pinaglumaan.” Hindi ko inakala noon na magkakabisa ang panambitang ito sa papel. Ngunit matapos ang ilang taong pamamalagi sa bahay na aming nilipatan, sinalanta ng anay ang aking silid. Tanda ko pa nang buksan ko ang pinto ng aparador at may kakaibang sangsang na sumingaw, tila kulob na alimuom. Nang angatin ko ang pinakatatagong kahon, naglaglagan ang buhangin at maraming anay. Nang tungkabin ko ang marupok na sahig, tumambad ang labirintong emperyo na naitatag nila sa ilalim ng aking aparador. Dinig ko ang huni ng kanilang galit habang tarantang gumagapang tungo sa kagiliran tulad ng kilabot na nanulay sa aking gulugod.

 

Iniwan nilang walang kahulugan o pakinabang ang maraming damit, papeles, liham, banghay ng tula, at higit sa lahat, mga aklat. Itinangis ko ang pagkawala ng ilang rekwerdo ng mahahalagang alaala. Mga salita at imaheng mahal sa akin. Makailang ulit pa nila akong nilooban pagkaraan, tila magnanakaw na mabilis na nagsasamantala sa tuwing malilingat, bagamat maraming solusyon ang aming sinubukan upang masugpo ang peste: pinakongkreto ang aparador, sinapinan ng salamin ang pinapatungan ng mga aklat, pinakapal ang semento ng sahig, at binuhusan ng sari-saring mabahong lason laban sa anay ang paligid. Sa tuwing darating sila, may bahagi akong natatangay sa kanilang paglisan. Naaalala ko tuloy ang isang babala ng mga Tsino: “Mag-ingat sa iyong hinihiling.”

 

Pulbusin mo anay ang kulungang kahon.

Palayain ako sa aking kahapon.

 

Sa muli’t muli nilang pakikisilong sa aking silid, naging mapagmatyag ako. Laging nag-aabang sa inaasahan ngunit kinatatakutang pagdating upang maiwasan ang hatid nilang pinsala. Pinag-aralan ko ang kanilang gawi. Karaniwang bumabalik sila pagsapit ng tag-ulan. Sa pamamagitan ng kaliit-liitang butas sa sahig o dingding, nakararaan ang kanilang pulutong papasok ng bahay. Sa loob ng isang gabi, lumalawak ang kanilang saklaw sa pagtatayo ng walang patid na landasing moog sa mga sulok at kagiliran ng silid. Minsan, bago ko pa man mawari, sakop na nila ang aking mga kagamitan. Marahil, sila ang unang nagmay-ari ng lupang kinatitirikan ng aming bahay kaya’t wala silang pasintabi kung manuluyan. Malalim na nakaugat dito ang kanilang lahi at pumapaibabaw upang magpaalala.

 

Tila bahagi ng isang katawan ang bawat isa sa kanila. Nasaliksik kong may kani-kaniyang papel na ginagampanan: may tagapagtatag ng landas, may tagakalap ng pagkain, may mga sundalong malalaki ang kagat, may nangangalaga sa mga supling, at may reynang pinagbuhatan ng lahat at hindi mabuhat ang sarili sa bigat ng mga isisilang. Tila may karunungang gumagabay sa kanilang tatahakin kung kaya, maingat at kalkulado ang bawat galaw nila. Minsan iniisip kong bahagi sila ng iisang utak: maselan, mamasa-masa, mas matalino kaysa sa tao dahil walang katawan. Minsan naman, naiisip kong himaymay sila ng iisang sikmura at mabagsik ang asidong tumutunaw sa bawat masaling.

 

Kilala ko na ang amoy na pahiwatig ng kanilang panginginain. Napansin kong yari sa kanilang dumi ang itinatayo nilang moog na kasing salimuot ng bituka. Naririnig ko ang kanilang pagsulong sa katahimikan ng gabi. Ginagambala ako ng kanilang maingay na bulong: ang koro ng pagpitik ng mumunting kagat kapag nagagambala. Ang wika ng gutom. Marahil, nahahalina sila sa maraming aklat na umaagaw na ng espasyo sa aking silid. Tiyak na naaalala nila ang kalikasan ng mga pahinang nagmula sa mga pinutol na puno bago paglimbagan ng mga salitang mariin ang pagnananais na manatili. Mas matanda sa kanila ang kaalamang nasa kanilang pang-amoy. Isang kaibigan ang nagpayo sa akin na hangga’t maaari, kailangang maiwasan na marating nila ang bubong. Kapag humihiga ako sa kama, tinatanaw ko ang nag-aabong kisame. Naiisip ko ang pagrupok ng eskaparate. Ang walang katapusang pagtatatag nila ng tahanang nagbabadyang gumuho ng aking tahanan. Ang naiipong bigat ng aking takot.

 

Pulbusin mo anay ang kulungang kahon.

Palayain ako sa aking kahapon.

 

Nanunuot sila maging sa aking pagtulog. Minsan, napanaginip kong nagbungkal ng lupa ang aking ama. Paghampas ng kaniyang piko, tumambad ang pugad ng kumikislot at nagtatabaang mga anay sa bitak. Sa paggising, pinagpag ko sa pandidiri ang kamang binasa ng sariling pawis. Dama ko ang paggapang nila sa aking balat sa pagitan ng kilabot at kiliti. Nang panahong iyon, may malubhang sakit ang aking ama kaya’t naiugnay ko ang kanilang kalusugan sa aking paghihirap. Nagkaanyo sa kanila ang aking mga ligalig.

 

Nanunuot sila maging sa aking mga sulatin. Tulad ng ibang kulisap, kumakatawan sila sa maraming pangamba ng pag-iral ng tao. Marahil, dahil ito sa kakayahan nilang pumasok sa mga butas ng katawan nang hindi namamalayan. Marahil, dahil nakararating sila sa hindi abot ng isipan ng tao. Marahil, dahil malaki ang kanilang nagagawang pinsala sa kabila ng kaliitan. Hindi nakapagtatakang madalas na instrumento ang mga kulisap ng kulam at sumpa. Talinghaga ng pagkawala ng bait.

 

Pulbusin mo anay ang kulungang kahon.

Palayain ako sa aking kahapon.

 

Tulad ng mga salita sa tula, binabakas nila sa pahina ang kagiliran ng isang misteryo. Tila sila mga sugo ng katahimikan at hindi-alam. Anumang tayog ng pader ang ihadlang upang manatiling ligtas, sadyang nakahahanap ng paraan ang ilahas na kalikasan upang magpasok ng lupa sa maayos, maalwan, at malinis nating tahanan. Alam kong nananatiling impersonal ang kanilang pamiminsala sa akin. Hindi nila wari kung ako o ang kapitbahay ang mamumulot ng mga labi, at manginginig sa ngitngit at kawalang-magagawa. Madali nilang natatawid sa ilalim ng lupa ang mga bakuran. Pagkain ang turing nila sa titulo. Sa mahabang panahong pagkikilala ko sa kanila, waring may naiipong kasaysayan ang aming ugnayan. Ngunit sa aking panig lamang sila nagkakaroon ng saysay. Tila sila pahiwatig mula sa kailaliman na nanghihimasok sa pinag-iingatang silid ng pagtula, tungo sa kahulugan.

 

Noong bata ako may isang matandang punongkahoy sa tabi ng aming bahay na pinamahayan ng mga anay. Hindi ko pa alam ang kanilang bagsik noon. Naging katuwaan ko na sirain ang kanilang mga itinayong lagusan at pagmasdan ang pagpupumilit nilang paghilumin ang nasalantang sanggalang. Hindi namatay ang punong iyon sa kabila ng pagkonsumo ng mga kinakanlong na anay sa kahoy. Bagkos, laging hitik ito sa matatamis na duhat tuwing tag-init.

 

Sa aking silid, iisa ang bumubusog sa aming malalim na gutom: mga aklat. Marahil, iisa ang aming gutom. Tahimik nilang kinakain ang mga papel na lunan ng katahimikan ng mga tulang walang-sawa kong binabasa. Katahimikang kumakain sa katahimikang kumakain sa katahimikan at nag-iiwan ng mga puwang na masisilipan ng mabibintog na anay. Nangingitim sa tinta ang kanilang bibig.

 

Pulbusin mo anay ang kulungang kahon.

Palayain ako sa aking kahapon.