interview

   Issue#1: Oct. - Dec. 2002

Allan Popa


Confesionario


Wala sa altar ang kumpesyonaryo. Karaniwan itong nakatayo malapit sa tarangkahan ng simbahan, sa pagitan ng lansangan ng pang-araw-araw na pagharap sa mundo at ng pagharap sa mga banal na imahen ng pananampalataya. Ito ang lunan ng pagpupurga: paglilinis ng sarili upang maging karapat-dapat sa pagtingala, pagdasal, pag-awit ng papuri, pagtanggap sa katawan ni Kristo. Sapagkat nabubuhay tayo sa panahong nailayo na sa mundo, sa katawan o kalikasan ang kabanalan. Sa kontemporanyong kaisipan, simbahan at langit na lamang ang nagtataglay nito.

Nasa antas ng mga mortal ang kumpesyonaryo. Ang pari na nagdaraos ng misa sa altar ay bumababa tulad ni Krito sa piling ng mga tao upang dinggin ang kanilang kasalanan. Walang imahen na mapagtutuonan ng dasal sa pagluhod sa harap nito. Pagkahawi ng kurtina, sasambitin: Padre, bendisyonan mo ako dahil nagkasala ako...

Nagsisimula sa pag-amin ang kumpisal. Walang tensyon ng paglilitis. Sa paghingi ng paumanhin, kailangan ng pagpapakumbaba. Nasa himig na lamang ang drama dahil lipas na ang sitwasyon ng pagkakasala. Listahan na lamang ang nalalabi at pagsisisi. Matapos ang litanya ng kasalanan, agad tutumbasan ang bigat ng kasalanan sa dami ng dasal na kailangang sambitin. Ito ang ekonomiya ng kumpisal. Isang patay na ritwal, pormula.

Nakalaulungkot isiping ganito ang sistema na sinusunod ng maraming tula sa kontemporanyong panitik. Istatiko ang estetika at sumusunod sa nakasanayang pormula. Malakumpisal ang seryosong himig na ginagamit upang ipabatid na tapat ang pagbubukas ng sarili. Nasa panahon tayo ng walanghiyang pagtula ng makata ng mga sariling karanasan. Walang mali dito. Walang masama sa pagsisiwalat ng lihim o pagbubungkal ng mga alaala o trahedya ng pamilya o relasyon, pagiging biktima. Mayamang bukal ito ng paksa. Ngunit nakapanghihinayang kung ang paraan ng paglalahad ay hindi ganap na humuhuli sa masalimuot na sitwasyon na kinasangkutan ng persona sa tula.

Madalas tinatalakay sa ganitong tula ang nakalipas, mga alaala. At upang bigyang patunay ang katotohanan nito, karaniwang may banggit sa mga espesipikong lunan, tauhan, o pangyayari sa buhay ng makata o pinaghahandugan. Muli, sa mahusay na kamay, maaaring maggamit ang ganitong mga detalye at maiaangat pa rin ang personal na karanasan mula sa antas ng liham o talaarawan tungo sa sining. Ngunit karaniwan, nagsasalita ang persona sa puntong may narating nang desisyon, may natutunan sa karanasan, may napulot na aral na kukurot sa puso ng mambabasa. Sapat na nga bang pagkatiwalaan ang taimtim na himig ng pangungumpisal upang maipalagay na dapat itong pakinggan, na mahalaga ang materyal na itinutula? Dapat alalahanin na kakain ng oras ng mambabasa ang tula.Makatarungan bang isangkot siya sa problema ng makata? Kung mahalaga man ang paksa, nararapat na ganap na maisasadula sa pahina ang grabedad upang madama ng mambabasa na sangkot nga siya dito. Hindi niya maibabaling sa iba ang kaniyang mga mata.

Nasa aktitud ng persona ang pinakamalaking suliranin. Nararapat na gawing mas kumplikado at aktibo ang pakikiugnay ng makata sa karanasan kung nais nitong kumawala sa kahon ng kumpesyonaryo. Kung hindi, magmimistulang talaan lamang ng mga kasalanan o karanasan ang tula. Mauugat ang problemang ito sa ideya na ang persona at makata ay iisa. Bagamat makailang ulit nang pinuna sa mga palihan, hindi pa rin magawa ng makata na ihiwalay ang sarili sa paksang alam na alam niya (marahil kamalian din ang payo sa makata na isulat lamang bagay na alam nito.)

Anuman ang punto debistang ginagamit, laging ipinapakita sa mga ganitong tula na bida ang makata sa sitwasyon. Hindi nagpapadanas ng indesisyon, ng tunggaliang bumabagabag. Nirereserba ng makata para sa sarili ang paghuhusga bilang panganuhaning tauhan sa istoryang siya rin ang nagbangon mula sa katahimikan. At pagkaraan, maghuhugas ng kamay.

Sa modelo ng kumpesyonaryo, nariyang ang padre kumpesor (mambabasa) ay pinapalagay na interesado sa nakaraan ng persona.Karaniwang naratibo ang pamamaraang ginagamit at nagwawakas sa pinakahihintay na kabatiran (masuwerte na kung nasa anyo ng kabalintunaan) ang ganitong mga tula na kung susuriin ay moral na aral. Itinuturing nito na munting kuwento ang tula, na may bahagi, may sukdulan at madramang pagtatapos. Nariyan ding ang padre kumpesor ay direktang kinakausap. Sa ganitong paraan, tila sisidlang pinagbubuhusan ng persona ng kaniyang mga hinanakit o sama ng loob ang pinatutungkulan. Kung pahalagahan man, nananatiling, tagatanggap lamang ito ng impresyon na waring estatwa.

Hindi rin masosolusyonan ito sa paggamit ng ibang tauhan galing sa alamat, kasaysayan, o bibliya. Karaniwang ginagawa lamang silang maryoneta ng makata upang pagdaluyan ng madadamdaming daldal. Sentimyento lamang ang nagdadala sa tula kung kaya maaaring maibigan ng mambabasa. Ngunit kung susuriing mabuti, hindi ito nalalayo sa dramang pantelebisyon na ang sukatan ng tagumpay ay ang pagsalat sa damdamin ng manonood. Ang paglayo at pagtanaw sa sarili ay hindi simpleng pagbaling sa ibang tao na siyang magtataglay ng pribadong emosyon. Dapat itong akuin upang maramdaman ang buong bisa.

Karaniwan ding napagkakamalian na ang papaloob na direksyon ng pagtanaw sa karanasan ay pribelehiyong talumpati. Inilalagay ng ganitong kaisipan ang makata sa posisyon ng tagapagbigay kahulugan o kaayusan sa magulong takbo ng pangyayari. Ngunit kung magsusuri din lang o mananalamin ang persona upang makita ang kaniyang eksistensya, dapat siguruhing bago ang kaniyang inihahain dahil napakakapal na ng literaturang naisulat tungkol dito. May ilan na tinatawag itong pilosopikal na pagtula. Ngunit anong mahusay na tula ang walang pilosopiya? Hindi sapat ang magtanong ng mga palaisipan ng buhay. Hindi ito sukat halaga ng tula. Madalas, nagtataas pa ng kamay ang makata upang sagutin ang sariling mga tanong, kinakain ang sariling pain.

Marami na ang pumuna na ang terminong "kumpesyonaryo" ay hindi angkop na katawagan sa pagtula ng talambuhay. Wala umanong nakataya.Walang parusang naghihintay. Kung iisipin, walang grabedad ang mga paksang karaniwang itinutula ngayon tungkol sa sarili. Bibihira ang nabubunyag na nakahihiya o mapanganib na lihim. Minsan, nais lamang ng makata na kumuha ng simpatiya sa kaniyang pagdurusa (susog ito sa romantikong kaisipan na kakambal ng makata ang dusa). Minsan, nais manggulat o magpukaw ng diri. Kung nakikipagpaligsahan ito sa lagim ng balitang tabloyd, walang panama ang anyo ng tula. Manhid na ang mambabasa sa ganitong uri ng kuwento. Kung uulitin ito sa panitikan, hindi mapadarama ng mga salita ang buong puwersa ng karanasan na maaaring makapagbabago ng takbo ng isipan.

Nais kong ipanukala na huwag nang lumayo sa padron ng pangungumpisal, bagkos ay gamitin ito upang itanghal ang hindi maiiwasang personal na paksa, bilang isang lapit sa maiilap na katotohan kung kaya karapat-dapat na itula. Para maisakatuparan ito, kailangang tumuklas ang makata ng estetika ng pagsisiwalat. Kailangan ng masining na pakana ng pagsisinungaling. Kailangang gamitin ang imahinasyon ng makata na nahirati na sa mga pamamaraang nakasanayan at uso, sa kaisipang ito ang sukat ng "malalim" na tula.

Kung susundan ang modelo ng kumpisal, kailangang ipalagay na sagrado ang papel, na ang isisiwalat ay kapangahasan, mapanganib at dungis sa kadalisayan nito. Ngunit sa kawalan ng maghuhusga at tutumbas ng parusa sa ilalahad, paano ng ba ito bibigyan ng bigat? Paano bubuhayin sa papel ang tensyon ng pakikiharap sa isang masalimuot na karanasan o pagdanas ng bawal? Paano gagawing larangan ng tunggalian o lunan ng pakikitunggali sa sarili ang pahina?

Nararapat na tratuhing paksa lamang ang ikukumpisal. Kailangang ilayo ng makata ang sarili sa karanasan. Makatutulong ang matagal na pag-iisip at pagsusuri sa pangyayari bago ito sulatin. Panahon din ang makapagsasabi kung karapat-dapat nga ba ang materyal para itula. Ang mismong paksa ang liligalig upang hindi matahimik ang makata hangga't hindi ito mabisang naihahanay sa pahina.

Maituturing kong napakahalagang birtud ng makata ang maingat na pag-aahon ng mga salita mula sa katahimikan. Ganito ang naging kasanayan ng mga naunang henerasyon ng makata. Sa ngayon, mas napahahalagahan ang pagpapaluwag ng mga pangungusap. Marami ang nag-aakalang maaaring ibaba sa antas ng kumbersasyonal na wika ang tula kung kaya madali at minamadali. Ngunit mapanganib ang palagay na ito. Napagkakamalian ang pakana bilang matapat na pagtatapat. Isang pamamaraan lamang ang pagpapagaan ng wika upang makalapit sa mambabasa. Ngunit sa larangan ng tula, hindi simpleng komunikatibo ang gamit ng mga salita. Mas mapanganib kung ganap na pinaniniwalaan ng makata ang kaniyang mga sinasabi at hindi nakikita ang panlilinlang.

Kailangan ding lumayo sa karansan upang humina ang emosyonal na kaugnayan ng makata sa paksa. Kapag nagawa ito, ang mismong damdamin ng makata tungo sa sitwasyon ay makikita bilang bahagi ng salalayan ng mga puwersa at maaaring manipulahin. Halimbawa, ang konsensya ay maituring na materyal. O di kaya ang mismong interes ng makata sa pagtula ay dapat pagdudahan. Kailangang lumabas sa sarili upang makita ang loob at labas ng sarili at masuri ang sariling mga layunin at tugon.

Tulad ng anumang sining, kailangan ng mainam na estratehiya sa pangungumpisal sa tula. Lumuhod sa harap ng lumang kahon ng mga kasalanan. Ngayon, ilagay ang sarili sa loob ng kumpesyonaryo. Hawiin ang kurtina. Ikaw at ikaw ay magkaharap. Ihanay nang mabuti ang bersiyon mo ng pangyayari. Pakinggan ang sarili habang nangungumpisal. Pakiramdaman ang sarili habang nakikinig. Maaaring naroon ka muli sa akto ng pagkakasala. Maaaring nasa lunan ng pagdadalawang-loob (o higit pa) sa harap ng tao o pangyayaring mahalaga at dapat na pairalin sa pahina.

Alalahanin na ang nakikinig ay isang mortal at may kakayahang magkamali. Alalahanin na ang sinasabi ay galing sa iyo. Pag-aralan ang mga salita. Isa itong muling pagkakasala. Pagsisinungaling. Damhin ang hindi makitang hangganan ng mga pagbabawal. Isa itong pananalamin. Pakikipagtagpo sa ilusyon ng sarili na walang kakayahang patunayan na totoo ang iyong sinasabi. Ikaw makata ang salamin ng nasa salamin. Sa inyong pagitan, mag-aanyo ang katotohanan.