interview

   Issue#2: Jan. - Mar. 2003

Allan Popa

Sa Madaling Salita


1.

Kapag gumagamit ako ng talinghaga, humuhulagpos sa aking kamay ang bagay o pangyayaring tinutukoy. Bumubukad, nabubunyag ang espasyong pumapagitan. Walang ganap na nakakamtan kundi ang ilap. Panandalian.

Sa pinakamaliit na pamamaraan ng pagtula, naipamamalay sa pagtatabi ng mga salita ang layo o lapit mula sa nais ipakahulugan. Ang pagsusumikap ng salita na kumatawan sa hindi maaaring mapako sa pahina. (Kailangang panatagin ng salita ang panginginig sa kahubdan ng ginagampanan at nilalaman. Papel sa papel). Sapagkat kailangang lumisan, lumipas, dumaloy muli sa panahon ang katotohanan. Magkabukas.

Habang binubuo ang tula, lumilinaw ang maraming bitak. Mga espasyong tinatawid. Ngunit hindi ganap na nagugunaw sa alabok o nalulusaw sa tubig ang pira-piraso. May kung anong nagpapanatili sa kabuuhan. Ito ang misteryo ng ating pananampalataya. May pinanggalingan. May patutunguhan. Katapusan.


2.

Tulad ng mga buhol sa lubid na gumagabay sa dilim, nais kong gamitin ang mga salitang malalim, malabo, masalimuot, mahirap, upang matunton ang madulas na landas ng pagsusuri sa isang uri ng pagsusuri ng tula. Maaaring mawala ang mga buhol pagkaraan. Pagkaraan, ang mismong lubid ang mapapatid. Tanging makakapitan ay ang katiyakan na may karugtong ang landas bagamat hindi nakasapat ang akay. Nananatiling madilim ang paligid. Kung kaya mangangapuhap ang isip. Sinasalat sa mga daliri ang dasal.

Kapag kaharap ang tula, kay-daling gamitin ng mga pang-uring nabanggit dahil waring tanggap nang bahagi ng bokabularyo ng kritika. Ngunit nararapat na tukuyin ang ugat ng mga salitang ito at alamin ang ugnay sa tula bilang talinghaga ng engkuwentro ng pagbabasa ng tula.

hirap 1 : bigat ng gawain 2 : dusa pagtitiis; dalita

Binabata ng aking katawan ang tula!

labo 1 : likido na nabalusaw 2 : anumang bagay na mahirap maunawaan

Tila hindi ligtas inumin ang tula.

lalim 1 : sukat o layo mulang itaas hanggang baba 2 : kalagayang mahirap mabatid o maintindihan dahil maraming kahulugan

Tumanghod ako sa tula at ako ay nalula.
Lumusong ako. Kay-hirap umahon!

salimuot 1: pagiging magulo o komplikado ng kalagayan

Hindi ko matukoy ang puno at dulo ng tula.
Nagkabuhol-buhol ang aking dila.


3.

Marami ang natatakot humarap sa tula. Una, dahil sa palagay na mahirap itong maunawaan. Ikalawa, dahil karaniwang inaasahan ang mambabasa na makapulot ng ibang kahulugan liban sa nakasaad. Kung kaya, sa pagbasa, pinangungunahan ng interpretasyon ang pagdanas sa tula. Sa halip na malalim na katahimikan, naghihintay sa dulo ng tula ang guro at ang kaniyang mahirap na tanong: Ano ang ibig sabihin…

Ngunit marami rin sa mahilig magbasa ng tula, na karaniwang makata, ay takot sa hirap na maaaring madanas sa pagbabasa ng tula. Marahil dahil nahirati sila sa maluwag na wika sa kontemporanyong panitik na layong gawin itong kombersasyonal. Nahirati sa iisang paraan ng pagtula at pagbasa. Nahirati na sinusuyo ng tula. At takot na hindi makasapat ang isip sa matamang atensyon at talas na hinihingi ng mga tulang hindi karaniwang nakahaharap.

Hulihin sa titig ang mailap na mga mata at makikita mo.


4.

Ngunit dapat pag-ingatan ang panganib na dulot ng mga tulang mahirap dahil hindi sadya o sadyang malabo (mahirap dahil salat). Nangyayari ito kapag lubhang malihim ang makata o may winawaglit na impormasyon bilang pagtitipid sa salita at sa pag-aakalang ang pag-unawa sa tula ay nasa paghuhula sa anyo ng itinatagong mga piraso na nasa kamay ng makata.

Ngunit hindi pahulaan ang tula. Hindi larawang tinabas-tabas upang muling buohin ng mambabasa.

Bagamat sa mahusay na kamay, ang kalabuan ng tula ay isang belo. Nag-aanyaya. Aninag ang hubog ng kabuuhan. Isang uri ng kahubdan.

Sa kamay ng tunay na makata, buo ang pira-piraso ng saknong. Maaaring natapyasan o natabunan ng lupa (panahon) ang imaheng itinutula ngunit nalalabi ang alaala ng lumipas na kabuuhan. Napagsasalita ang mga patlang na malay sa ikinukubli o nawalang bahagi ng hubog…

Damhin sa mga bitak ang puwersang umaangkla ng pira-piraso sa iisang tinig. Dinggin ang basag-basag na awit. Ang pagkabasag. Pakinggan ang duweto o koro ng mga tinig na hindi magtagpo o magsalakip ngunit patuloy na umiiral at nagpupumilit.


5.

Kung kinakailangan, magiging masalimuot ang tula. Walang batas ang panulaan na nagbabawal nito.

Aralin Umano: Magsabi ng iba/higit sa sinasabi sa pinakapayak na paraan.

Tugon ng Salimuot: Ito ang pinakapayak na paraan.

Aralin Umano: Gawing hindi pangkaraniwan ang karaniwan sa waring karaniwang paraan.

Tugon ng Salimuot: Hindi ako karaniwan. Ako ang tula ng wari.

Mula sa panitikang oral, patuloy sa pagsulong ang kasaysayan ng tulang nakasulat. Lumaya ang berso sa padron ng mga namanang anyo. Ngunit kaakibat pa rin ng paglaya ang responsibilidad na ang bawat elemento ay may naiaambag sa organikong kabuuhan ng tula. Naging bahagi na rin ng estetika ang pagsasaayos ng mga salita sa pahina. Ang paghahanap sa pinakaangkop na anyo sa nais sabihin. Yaong isinasaalang-alang ang gawi ng ng pagbabasa, ang galaw ng mga mata sa pahina. Ang kronolohiya ng dumaraang mga salita: pagkatabi-tabi, pagkaipon o pag-iwan sa mga detalyeng bumubuo sa tula. Ang pagkalatag ng ng mga salita ay nagpapakita ng masining na estratehiya ng pagbubunyag. Pagpapamalay sa pagi-pagitan.

Kung kinakailangan, babasagin ang pangungusap. Kung kinakailangan, gagawing komplikado ang tahi ng sintaks bagamat nananatiling buo ang sinulid ng kaisipan. Ginagamit ang sesura at ang espasyo sa pagitan ng mga saknong bilang pagtatakda ng ritmo ng tula. Ngunit mas mainam kung gagamitin din ito bilang antala sa daloy ng kaisipan: masarap na istorbo sa gawi ng pagbabasa. May mga hibla ng puwersa ang katahimikan ng patlang. Mabisang nagagamit ang salimuot sa tula kung malay ang makata sa kahuhulugan ng bawat elementong inilalagay sa pahina, maging ng bawat antala na kapuwa nagbabasag sa tula at nagbubuo sa pira-piraso. Mahalagang ang tula mismo ang nagtatakda ng paraan ng pagbasa sa pamamamagitan ng sistematikong paglatag ng mga elemento ng pahayag sa daloy ng panahon ng pagbasa.

Ang mismong salimuot ay makahulugan. Nagpapadanas ito ng mga sensasyon na hindi madarama sa kombensyonal at simpleng paglalahad. Ang masalimuot na pakana ng paglalahad ay isa ring talinghaga.

Nagtatanghal ang mga salita sa pahina.


6.

Walang panukat sa lalim ng tula. Marahil dahil hindi ganap na nararating ang kailaliman habang buhay. Ngunit nagpupumilit ang isipan na umarok. Ito ang nagbibigay ng wari ng pag-unawa. Ang malalim na kahulugan o kahuhulugan. Bagamat hindi ganap. Nananatili ang misteryo sa pusod ng tula.

Ang pagtula ay pagliligid ng wika sa mailap na katotohanang hindi ganap na matumbasan ng salita. Hindi mabinyagan. Pagninilay sa espasyo ng guwang upang mapadamang nariyan kahit hindi mahawakan. Kapag pinilit isakamay, buod ang matatamo. Hindi tula.

Sa kasalukuyang pagtula, isang nakasasabik na paraan ng pagninilay sa hindi mabigyang pangalan ay ang pagpapakita ng mismong ilap ng sinaunang mga katotohanan. Nagagawa ito sa sadyang pag-istorbo sa daloy ng lohika. Mapaglarong pagdadaplis-daplis sa mga pahayag na hindi ganap na nagtutugma-tugma. Magagawa ito kung malay ang makata sa mismong anyo ng kaisipan at ang puwersang nakaligid dito, ang pag-ayon o tunggalian ng sirkulo ng naipong kahulugan ng mga salita kapag pinagtagpo (batubalani).

May mga tula ring sadyang nagliligaw. Namamasyal kung saan-saan na waring walang tiyak na patunguhan. Gusto lamang ipadama ang aliw sa liwaliw, ang sarap ng pagkaligaw. Huwag mag-alala, madaling makabalik sa kinaroroonan.

Nariyan din ang mga tulang bahagi ng problema ang paggamit ng wika at ang kakayahan nitong kumatawan sa tinutukoy o nais ipakahulugan. Ang mismong mga salita ang nagiging tauhan sa dula ng pahina at may sariling mga tanong ukol sa kanilang pag-iral.

May sariling ritmong naitatanghal ang ganitong uri ng mga pakana: ang ritmo ng daloy ng kaisipan at isipan sa pagpapakita sa mga bitak ng katuwiran. Ang lalim ng tula ay maaari ring mailatag at walang matutukoy na hanggan. Mapalad tayo sa panahong saksi tayo sa unti-unting pagbubura sa mga linyang naghahati sa wika sa mga kategorya ng salita. Sa mga linyang naghahati sa mga anyong pampanitikan. Ngunit anumang pakikialam sa mga namanang kategorya ay may kaakibat na responsibilidad. Kailangang ipakita na kailangan itong maganap (maging ganap), na ang pagbabago ay bunsod ng pangangailangang pantao bilang paghahanap ng mga bagong anyong kakatawan sa patuloy nating pag-iral, at kung bakit hindi na nakasasapat ang pinaglumaan. Ay kay-raming posibilidad na nabuksan: mga paraan ng pagtugis sa imposibleng makamtan!


7.

Mauugat ang takot sa pagharap sa hirap ng tula sa nakasanayan nating pagtingin sa kalagayan ng tula. Karaniwan itong tinuturing na tuluyan. Hindi basag-basag na pahayag o serye ng mga pagkakamali. Tandaan na sa bawat paggamit ng pamamaraang pampanitkan, kusang pinatatahimik natin ang duda upang pansamantalang maniwala, pinagbibigyan, na nanganghulugang pagpayag na sumailalim sa salamangka ng salita. Ngunit nananatiling bula ang mga proposisyon (maging ang kagandahan, engkanto, antala). Binubuo ng mga pagsisinungaling ang pagligid natin sa katotohanan.

Kaya't lubos ang pagpapahalaga natin sa nakahahalinang ritmo, sa himig at sa angklang tinig; kung maaari ba itong pagkatiwaalan at kung hindi man, ang mawari ang sikolohiya ng persona na nagbunsod ng pahayag na labag sa ating pagpapahalaga, bago natin hayaang mapakinggan.

Bilang mamababasa, pinahahalagahan ko ang tula ng mga makatang malay sa bitak sa pagitan ng salita at bagay na tinutukoy, sa espasyong pilit tinatawid ng paghahambing, sa sarili nilang mga pagkakamali, sa pagkabigo ng mga salita na kumatawan nang ganap sa nais ipakahulugan, sa kabiguan sa wakas ng anumang pahayag. Silang nagpapawari na ang salita nagpupumilit marinig gitna ng katahimikan. Laban sa pananahimik. Silang nagbubunyag sa mga bitak sa pamamagitan ng hirap, labo, lalim, at salimuot.ng tula. Nais kong paganahin ang mga bitak sa aking pag-iisip. Nais kong gumamit ng talino. Ayaw kong maging inutil (sa harap ng mga makatang inihahambog sa pagtula ang madrama nilang mga kabatiran na animo bagong tuklas).

Sa pahina, ang inihahayag ng tula ay ang wala. Ang iba't ibang mga antala, hati, patlang, katahimikan, at bitak sa pagitan ng mga tunog, salita, parirala, linya, at saknong, ang katahimikan sa pagitan ng lahat ng tulang naisulat, (pintas sa kadalisayan ng tahimik na pahina) ay dapat na ipamalay bilang aktibong Elemento na siyang binibigyang saysay ng pahayag at nagbibigay saysay sa pahayag.


8.

Ang pagbibigay-anyo sa kawalan ay hindi ang kawalan. Wika nga, ang himpit na tula ay ang blangkong papel.

Ano ang saysay ng pagsasalita?

Madalas nating pag-usapan ang katahimikan ng tula bagamat hindi natin ito tuwirang matukoy. Isang kabalintunaan. Ang tanging naipapakita ay ang imahen ng tuwid na hintuturo na tumukoy sa iisang wala.

Mapahanggang ngayon, sa kuwadro ng kawalan, gumagamit tayo ng wika upang bigyang saysay ang mismong kawalan. Isang sinaunang tunggali ng pag-iral.

Kay-daming binabasag ng kontemporanyong panulaan (hulagpos sa pigil ng gitna). Maaaring patungo ito sa alabok ng kawalang-kahulugan,.sa katapusan ng sining. Patungo ngunit hindi pa nararating muli ang blangkong papel ng kawalan.

Sa ngayon, pinagninilayan natin ang guwang. Malakas ang halina tulad ng hukay o patibong. Isang katahimikan na hindi maiwasang pakinggan at tugonin. Pinaliligiran ito ng mga salita. Pansamantala. At patuloy ang pag-awit patungkol sa misteryong kailanman ay hindi matutumbok (romantikong pagtugis sa ilap). Walang humpay ang pagtula na hindi namamatay sa kamatayan ng mga makata. Ang tanging nalalabi sa anyo ng tula ay ang pag-asang may tutugon muli mula sa hanay ng karamihan.

Hindi kailanman makakamtan ng tula ang katotohanan. Bagkos, ipinadarama lamang nito ang agwat natin mula rito. Hindi ang palagay na napasasakamay ito kundi ang maipadama ang layo o lapit natin sa makatuwirang hukom. Abot-kamay…

Pagmasdan ang mga bitak sa papel.