At naghintay siya roon
gaya ng matapat na mangingibig
kahit lumisan na ang ibang nagmamahal.
Naghintay siya roon, nananangis.
Nagunita niya nang manangis
ang panginoon para sa kaniyang kapatid.
Paano niya siya malilimot?
Sumilip siya sa loob ng yungib
at nakita ang dalawang anghel—
isa sa ulunan at isa sa paanan
ng pinaglagakan ng kaniyang katawan—
waring sinusukat ang nalabí ng kawalan.
Wika nila: Babae, bakit ka nananangis?
Sapagkat kinuha nila siya
at hindi ko alam kung saan dinala.
Pagkabitaw ng salita’y lumingon siya
at naroon siyang hinahanap—ngunit hindi nakilala.
Sapagkat ang pag-ibig at siphayo, marahil, ay halos iisa.