Reviews Issue 10

   Issue # 10: July-December 2008

Oliver Ortega



0.5: Kalahati at Umpisa ni Rebecca T. Añonuevo


      Sa kanyang ikalimang aklat, ang Kalahati at Umpisa na inilathala ng UST Publishing House nitong 2008, isisiwalat ni Rebecca T. Añonuevo na “a poem a day/ keeps the peleges away./ Promise.” Hindi lang ang inihahakang medikal na pakinabang o ang katiyakan sa deklarasyon ang lubhang nakababahala sa pahayag ng isang nagpapahalaga sa kabanalan sa tula. Sa daigdig ng komersyo, karaniwan na ang paggamit sa mga pambihira’t katawa-tawang sitwasyon para mailako ang samut-saring tulong pangkalusugan. Dahil walang garantiya ang mamimili sa terapeutikong kakayahan ng inihahaing produkto, tula sa kaso ni Añonuevo, inihahain ang testimonyal bilang patunay ng bisa. Kaya anumang paghuli ko sa tinig ni Rolando Tinio sa tulang ito, boses ni Rufa Mae Quinto ang naririnig ko.

                a poem a day has an anti-ageing formula.
                Naka-40 na akong tula since the workshop.
                Parang 40 days fasting and prayer in Gethsemane.
                Ang laki ng natapyas sa mga unwanted bilbil.
                Akala tuloy nila nagpa-lipo ako.
                But no. I’m just being myself.
                                                                            — mula sa “a poem a day”

      Halos ganito rin ang tono at pili ng salita kahit sa mismong “Postscript kay Tinio,” ang isa pang tula sa koleksyon na humiram sa estilo ng tulang “Postscript” ni Tinio. Ang kaibhan lamang sa orihinal, hindi makasulong ang tangkang karikatura sa bersyon ni Añonuevo sanhi ng problema sa pagkakalalang ng mga linya at ng seleksyon ng mga detalyeng nilaman ng tula. Gayon din ang mapapansin sa karamihan ng mga tula sa pag-ibig na bumubuo sa ikalawang seksyon ng aklat. Mais na mais, wika nga ni Tinio, ang mga siste ni Añonuevo.

                Ikaw ang pag-asang bumukad at ngumiti, at nagpangiti
                Tulad ng bulateng sumulpot sa matamis, matabang lupa.
                                                                            — mula sa “Kabilang Mukha”

                Nang mahuli kong halos magmakaawa
                Sa pagsunod sa akin ang iyong mga mata,
                Luyag kong buhusan kita ng durian shake.
                                                                            — mula sa “Luyag”

                Ang pamamahay ay pamamahay.
                Hindi sari-saring tindahan.
                Ang pagmamahal ko’y isang bahay.
                                                                            — mula sa “Teritoryal”

      Umaapaw na detalye ang pangunahing problema sa mga tula ni Añonuevo. Walang kontrol ang makata sa paglilista ng kanyang mga ideya’t deskripsyon dahil labis na nakasandig sa thinking aloud, hindi mapagtining na paglilimi, bilang paraan ng eksposisyon sa at pagkatha ng tula. Sa kanyang mahahabang tula, ang haba ay artipisyal na nililikha ng pagkakatalogo sa lahat ng maaaring maapuhap tungkol sa isang bagay o ideya, halimbawa, mga superstisyon na pananda ng kapalaran sa “Pagbasa sa mga Senyales” o mga palatandaan ng gaan ng pakiramdam sa “Nagbalik sa Akin ang Gaan.” Tila walang nosyon ng kabuuan, o hangganan, ang mga tula ni Añonuevo. Tila walang kabatiran sa kung ano ang integral na bigat ng bawat salita at kung kailan sapat na ang sinabi. Wala ring pagkilala sa kapangyarihan ng kalkuladong katahimikan at ng hindi-sinabi dahil para sa kanya “walang puwang ang mga puwang” (“Oda sa mga Espasyo”).

      Sinasabi na sa sining ng pagsusulat, pinagyayaman ng detalye ang anumang likha. Ipinapakahulugan na ang kalabisan ay higit na mabisa para maitawid sa mambabasa ang iniisip ng manunulat. Maaaring totoo ito para sa nobela o maikling kuwento, ngunit hindi, sa pananaw ko, sa tula. Para sa kritikong si Helen Vendler, isa sa pangunahing katangian ng tula, partikular ang tulang liriko, ay ang maigting na kompresyon. Esensyal, para sa kaniya, ang abstraksyon at pag-iwas sa labis na detalye upang epektibong mabigyang-tinig ang “kaluluwa” ng nagsasalita sa tula. Hindi ibig sabihin nito na hindi na tayo maaaring magsulat ng mahahabang tula. Pinaaalahanan lamang tayo na lalong maging maingat sa pagpili sa mga salitang ginagamit sa tula. May kakayahan ang liriko na makapagsilbing istruktura o sisidlan para sa disposisyon ng emosyon at imahinasyon. May natural na tendensya ang emosyon na pumalaot sa elaborasyon dahil nakaugnay ito sa temporaryong kalayaan ng kamalayan. Anumang bagay, sa loob ng isipan o sa labas ng katawan, ay nagsisilbing mitsa sa rekoleksyon o susi sa pagbukas ng baul ng mga alaala, at kung gayon nagiging sanhi ng pagbukal ng emosyon.

      Para kay Immanuel Kant, ang kariktan ay maaaring bigyang-hugis ng kantidad. Sa mga tula ni Añonuevo, ang intensidad ay nakasalalay sa kantidad—sa malimit na pag-abot sa inaakalang sukdulan at sa pag-iimbak sa pahina ng mga alaala at obserbasyon upang magsilbing pundasyon tungo sa pilosopikong punto o dramatikong kongklusyon. Basahin, halimbawa, ang ikalawa’t huling taludtod sa tulang “Sa Tanda ng Pagsisimula ng Buhay:”

                Kung kalahati pa ang aking lalakarin ay tutupdin ko ang pinakapayak:
                Isusukbit sa balikat ang sisidlan ng tubig, isusuot ang matibay,
                Mahinahon sa kalyong sapatos, kikipkipin ang pinakaiibig na tula,
                Sisipol ng kundiman kung sumigid ang takot, ipapagpag ang alikabok
                Sa damit at pipikit nang mariin nang di makutkot ng tanghaling araw
                At puwing ang mata; aamuyin sa leeg ang malayong iniirog;
                Makikisalo sa walang lamang hapag ng mga humahagikgik na musmos,
                Yayapusing isa-isa ang di maraming kaibigan na parang kahahango
                Sa dagat ng isang koronang perlas; iguguhit sa isip ang matandang ina,
                Ang kanyang pag-ibig na higit sa katarungan, at di ko maunawa.

      Ang pagbuburda ng labis na detalye ay mas nakaaambag sa pagbawas, hindi konsentrasyon, ng enerhiya sa tula. Sa halimbawang ito, hindi katiyakan o mas buong larawan sa utak ng mambabasa ang resulta ng pagiging detalyado o masaklaw kundi kakapusan ng hininga at pagpatay sa sariling imahinasyon ng mambabasa. Ganito naman ang huling dalawang linya sa “a poem a day:”

                And hear this.
                May bago na akong textmate. His name is Bryan.

      Batid natin ang patawa. Ngunit kailangan pa bang ibigay ang pangalan ng katext upang maipabatid na kapani-paniwala ang testimonyal? Dahil napangalanan, maipapalagay natin na materyal o umiiral sa mundo ng mga bagay ang lalaking premyo sa paniniwala sa kabutihan ng pagtula. Ito ay maling palagay tulad ng kanyang pagbibigay-boses sa puto bumbong sa tulang “Simbang Gabi.” Aniya:

                Gusto kong sabihin kay Nanay na ang pagsisimbang gabi ko
                Ay tulad ng panalangin ng puto bumbong sumasagitsit
                Sa nagtatanod na buwan: salamat, ulit-ulit na munting salamat
                Sa pagkakataong maging payak, walang inaalalang pagkalugi
                O pagtatamasa sa tangkilik ng iba, walang paghahangad
                Na ipagpalit ang kapalaran pati ang kasawian sa kanila.

      Maihahakang ito ang dasal ng puto bumbong sa araw-araw sa harap ng kompetisyon ng “churros con tsokolate at donut” ngunit makatitiyak ako na hindi pagkalugi o hindi-pagkabawi ng puhunan ang hangad ng kanyang manininda na nagsisikap gumising at maghanda tuwing hatinggabi o madaling-araw. Ayon kay Robert Bly, may mistikal na katahimikan ang mga ordinaryong bagay na materyal dahil pinili ng mga itong hindi magsalita. Palagiang mahirap na ehersisyo at etikal na desisyon para sa sinumang makata, samakatwid, ang pag-angkin sa kanilang tinig, o sa tinig ng iba, upang maisiwalat ang personal na tinig.

      Sa madaling sabi, maingay pa rin ang mga tula ni Añonuevo sa kanyang bagong koleksyon kahit pa patuloy siyang nagsasalita sa tinig ng isang nangungumpisal o bumubulong sa diyos. Sa anyo, wari ay inihahatid ka pa rin niya sa parehong atmospera ng emosyon at hinahon na kinairalan ng kanyang mga naunang libro. Pag-aalaala at pagninilay, hindi katotohanan o naratibo, ang patuloy na mahalaga sa kanyang poetika ng malayang ekspresyonismo. Maaaring nakalulugod sa ibang mambabasa na tumatangkilik sa kaisipan, hagod at bokabularyo ni Añonuevo ang kanyang mga bagong tula. Ngunit para sa akin, pinatutugtog lang niya ang dating plawta o cello at nakalulungkot isipin: tila naglaho ang musika. Tumatanda lamang kaya ang makata?

      Pagtanda—bilang paglalakbay, pag-alaala, at pagmarka—ang sentral na usapin sa Kalahati at Umpisa, lalo na sa unang bahagi ng aklat. Ano ang “pinagkatandaan” ganitong nagkakaedad? Paano patuloy nananahan ang pag-asa sa kabila ng mga “pagbabago” sa mundong-tila-hindi-nagbabago? Paano sisimulang mamuhay sa puntong mas masaklaw na ang unawa sa punto ng buhay? Paano ba ang umibig? Paano ilalahad ang resulta ng mga repleksyon sa kaparaanan ng tula?

      Hindi naging matagumpay si Añonuevo sa kanyang empatikong layunin sa Kalahati at Umpisa. Nadarama lamang dito ng mambabasa ang pagod at halos pagsuko ng makata na magpatuloy sa sining ng tula. Sa paunang salita pa lamang, agad matatagpuan ang senyal ng kanyang kawalan ng enerhiya na higitan ang mga naunang aklat o isulong ang artistikong potensyal ng kanyang kasalukuyang mga likha. Kung gagamit ng konsepto’t salita na kritikal kay Añonuevo, maaaring sabihin na tila nawalan ng gana ang makata.

      Para kay Añonuevo, wari’y pamamaalam sa mundo ang solitaryong akto ng pagsulat ng tula. Sa tulang prosa na “For the Road,” sa kanyang pag-alaala sa isang yumaong kaibigan, paaalalahanan niya ang sarili at tayong mambabasa na:

      Nitong huli ay pareho na naming nasasabi sa isa’t isa na may mga bagay na higit na mahalaga kaysa tula na unang nagbuklod sa amin. May kani-kanya na kaming dinaanan at dinanas na mga lungkot at kagalakan. At kasama ang iba pang nakatagpo alin sa maikli o mahabang oras sa absurdong daigdig na niyakap nang malubha, iisa ang tinatanggap naming paalala sa sarili: bagamat isang buhay ang pagtula, higit ang buhay sa tula. Salamat sa mga panahong hindi kami nagpapalihan ng tula kundi nangungumusta sa bawat isa. Nakikinig sa mga karanasang hindi maisusulat dahil nagdalang-hiya ang mga salita: napakaliit ng talinghaga para sa isang dakilang-loob at walang kahulilip na munting kariktan tulad ng kaibigan, tulad niya.

      Walang duda na hindi mapapantayan ang kahalagahan ng pakikipagkaibigan, ng matalik na pakikipag-ugnayan sa isang iniibig, ng paggawa ng maliliit na bagay na nag-aambag sa paglikha ng mas mabuting mundo para sa tao, at ng pagdanas sa mga bagay na makapaghahatid sa atin ng lugod o saya, na para sa tulad ko, ang pagbabasa at pagsusulat ng tula ay isang halimbawa. May natatanging ambag sa pagpapayaman ng buhay ang pagtangkilik sa literatura, lalo na ang maiinam na tula. Nararapat, kung gayon, na bigyan lamang ng sapat na atensyon, lakas at panahon ang pagbuo nito. “More energy, mas happy,” ’ika nga sa isang patalastas. Marahil ito ang kinapos sa bagong koleksyon ni Añonuevo.