Poetry Issue 10

   Issue # 10: July-December 2008

Joselito D. Delos Reyes



Nilagaring Lalawigan


      Simple lamang partihin ang bundok,
      Ang linang, at dagat—
      Lahat ay hating-crosswise.
      Sa tao, iyan ang sa akin, ito ang sa iyo.
      Paramihan ng goma, holen, at pato.
      Lahat ng ito ay masayang laro.
      Matagal na akong it, at balagoong
      Ang naghahamon ng ayawan.
      Kung mistulang nadaya,
      Sigurado ang sumbungan sa yaya,
      Sa nanay. Pinakamalala na
      Ang mga nagsuntukang tatay
      Na ipinatawag ng kabesa de barangay.
      Pinagkamay, at gaya ng inaasahan,
      Umikot na nga ang nagyeyelong tagay.

      Ang paglagari sa lalawigan ay pwede ring exam:
      Mayroong sagot na kabisado, may hinulaan,
      At tiyak mayroong bilang na hindi alam.
      Kung lalagpak at masisingko
      May summer at remedial na sasalo.
      Ang pinakamasidhing problema lamang ay ito:
      Paano ko papalitan ang aking tarheta
      Na may numerong kayraming
      Buto’t balat, bungangang umaasa?