Reviews Issue 10

   Issue # 10: July-December 2008

Joseph de Luna Saguid



Heto na si Khavn, heto na, heto na!
O Ang talampakan ay talampakan. Wala nang iba.

Rebyu ng Guhit ng Talampakan ni Khavn dela Cruz



      Inilathala ng UST Publishing House ngayong taon ang Guhit ng Talampakan, isang koleksiyon ng mga tulang liriko sa Filipino ni Khavn dela Cruz. Si dela Cruz ay isa sa mga nakababata ngunit premyado nang direktor/producer ng sine sa bansa. Binubuo ng dalawang malalaking bahagi ang koleksiyon: mga tulang nagmumula sa karanasan ng makata sa loob ng mga lalawigan, at mga tula ng pagbabalik at paglalakbay sa loob ng Kamaynilaan.

      Sa ganitong paglalatag ng mga bahagi ng aklat, malinaw na pinahahalagahan ng makata ang paggilid sa panulaan ng lungsod upang humanap sa mga lalawigan ng bagong kamulatan at paraan ng pakikipag-ugnayan at pakikibahagi sa kalikasan. At itong bagong kamulatan ang tinatangkang gamitin ng makata sa kaniyang pagtingin sa kapaligiran ng binabalikang lungsod kaya mapang-usig ang tinig sa ikalawang bahagi ng libro.

      Isang pun sa “guhit ng palad” o sa “kapalaran” ang pamagat na napili ng makata, at pinahalagahan ni dela Cruz ang talampakan dahil ang bahaging ito ng katawan ang talagang nakakadaupan ng lupa/sahig sa paglalakbay. Ang talampakan ang bahagi ng katawan na kadalasa’y hindi nabibigyang-pansin sapagkat minsan lamang nakikita. Kung gayon, ang pagtawag ng pansin sa bahaging ito ng katawan sa pamamagitan ng paggamit nito sa pamagat ay nakaayon sa pagkakalagay sa simula ng koleksiyon ng mga tulang nagmumula sa karanasan ng makata sa mga lalawigan—na kadalasan ay hindi nabibigyang-pansin ng mga taga-lungsod sapagkat minsan lamang nakikita—upang ang mga tulang ito ang magtakda ng tinig ng buong koleksiyon.

      Masasabing mahalaga rin ang mga guhit ng talampakan dahil naroon nakasingit ang lahat ng dumi at ebidensiya ng ating paglalakbay. Ang payak na mensahe ng Guhit ng Talampakan kung gayon ay: “Tingnan mo ang ibaba,” at dagli ay naroon ang paghamon na iwanan o bumaba mula sa kapangyarihan ng yaman, talino, at wika.



      Pinagana ni dela Cruz ang mga mata ng isang direktor dahil karamihan sa kaniyang mga tula, lalo na yaong maiikli, ay tila halaw sa mga tagpo o eksena ng isang sine kundiman tagpo o eksena na tumatakbo sa malikot niyang isipan. Malinaw na nananatili pa rin si dela Cruz sa tradisyon ng tulang liriko kaya madalas din ang kaniyang paggamit ng mga dramatikong tagpo o sitwasyon.

      Masasabing ang mga unang seksiyon sa koleksiyon na tila isinulat ang mga saknong sa estilong mala-prosa ay mahuhusay ang paksa, imahen, at talinghaga. Ang mga tula namang “Ang Bagtit,” “Si Jareb at si Kaliya,” “Sumaguing,” “Paglulublob,” at “Ugong” ang kakikitaan ng higit na kahusayan ang pagkakasulat kaysa sa karamihang tula. Napupukaw ang takot sa mga linyang:

                         Lagi akong napapalingon sa bahagyang baling ng bato, dulas ng damo,
                halinghing ng hangin. Laging nakikita si Bawit, may tangang itak, patungo sa amin.
                (mula sa “Ang Bagtit”)

                Ngunit bakit umuurong ang paa sa tubig,
                hindi maabot ang sahig?
                (mula sa “Paglulublob”)

      Subalit bagaman naroon ang layunin ni dela Cruz na magbigay ng mga bagong kaisipan mula sa kaniyang karanasan sa mga lalawigan, hindi naging matagumpay ang karamihan sa mga tula dahil matapos basahin, naiiwan akong nakakunot ang noo sa kakulangan ng kaisipang nailahad. Halimbawa ng sinasabi ko ang mga sumusunod na tulang-hayop ni dela Cruz:

                            Baka

                1           Lubid sa leeg,
                2           nililibot ng baka ang parang
                3           para sa damo.

                            Kalabaw

                1           Buong daigdig
                2           ang singkaw sa batok.

                3           Ayaw maalis
                4           ng putik sa paa.

                            Aso

                1           Nakatalikod ang aso
                2           sa paparating na dyip.
                3           Tinatanaw ang among
                4           paliit nang paliit
                5           sa kanyang mata.

                            Elehiya sa Kuting

                1                         Iwas
                2                               Iwas
                3                         Iwas

                4           Ngunit nasagasaan
                5           pa rin ang kuting
                6           ng umaatras na van.

      Malayong-malayo ang mga tulang ito sa husay ng mga tulang-hayop ni Romulo Baquiran. Sa “Baka” at “Kalabaw,” walang naibigay na ibang kaisipan ang makata at bagkus ay inilahad din lamang ang mga karaniwan at likas na katangian o gawain ng baka at kalabaw. Hahanap tuloy ang mambabasa ng realidad sa sariling karanasan na ipapalagay niyang kinakatawan ng sitwasyon ng mga hayop. Maaaring isiping kinakatawan ng katangian ng nakataling baka ang pagkakulong ng tao sa pang-araw-araw na gawain o lipunang ginagalawan, at kinakatawan naman ng kalabaw ang mga mahihirap na tila walang kakayahang makaalis sa “putik” na kinalalagyan. Ngunit labis-labis na pagbabasa na ito, at kung ganoon man ang personal na kahulugan at kaisipan ng tula para sa makata, isang pagkakamali na piliin ang mga hayop bilang kinatawan ng kalagayan at buhay ng mga tao na mayroon namang damdamin at kalayaang mag-isip. Hindi naman umabot sa antas ng trahedya ang mga tulang “Aso” at “Elehiya sa Kuting” kung kaya’t imbes na maghatid ng bagabag ay napatawa na lamang ako bilang mambabasa.

      Umiigting pa ang problema ni dela Cruz sa paglalahad ng kaisipan sa mga tulang “Bato,” “Butong-Pakwan,” at “Lolo.”

                             Bato

                1           Kapag umiyak ang bato,
                2           tahimik, walang luha.

                3           Walang nakakapansin
                4           kundi talampakan
                5           sa manipis na suwelas,
                6           binubuntal ng mga batang
                7           naaapakan.

      Mapapansin, ng kahit sinuman, ang magulong kaisipan ng tulang ito. Masagwa ang pagkakagamit ng personipikasyon para bigyang-damdamin ang bato. Naging mapagpanggap ang makata nang sabihin niyang may kakayahang umiyak ang bato at ang pag-iyak na yaon ay “tahimik, walang luha.”

      Ang ikalawang saknong sana ang magpapalawig o magbibigay-liwanag sa pambihirang karanasan ng pag-iyak ng bato, ngunit bagkus ang sinabi lamang sa literal na antas ay: “Ang nakapapansin lamang sa pag-iyak ng bato ay ang talampakan sa manipis na suwelas.” Ang dulot na reaksiyon nito ay: Oo nga, sapagkat hindi naman ginagamit ang iba pang bahagi ng katawan sa paglalakad kaya’t ang talampakan (paa) lamang ang tanging makadarama ng “pag-iyak ng bato” (kahit pa hindi ko pa rin maisip kung paano maaaring umiyak ang bato).

      Sa huli, lalong naging kakatwa ang “mga batang na[t]a[t]apakan,” dahil biglang naging dambuhala ang may-ari at may suot ng suwelas (sapatos/tsinelas) at may kakayahan siyang tapakan ang mga bata. Kung gayon, ang bato ba at ang mga bata ay iisa? At ang pagbuntal ba sa dambuhalang tumatapak sa kanila ay ang masasabing pag-iyak na rin ng bato? Higit na malinaw ngayon ang kaguluhan ng kaisipan dahil sa unang saknong, umiiyak ang bato: “tahimik, walang luha,” na nangangahulugan ng kawalang-magawa o kawalan ng kakayahang lumaban, samantalang ang pagbuntal sa ikalawang saknong ay pahiwatig ng paglaban.

      Kung malikot ang isip ng mambabasa, maaaring isiping isang paglalarawan ang tulang “Bato” sa walang-hanggang pagkaapi at paglaban ng mahihirap at maliliit na tao sa mga naghaharing-uri. Ngunit, muli, labis-labis na ang ganitong pagbasa ng tula. At isa pa, bakit naman pipiliin ang bato bilang talinghaga ng mga naaapi kung kadalasang ginagamit ang bato upang maipahiwatig ang kawalang-puso at damdamin ng naghaharing-uri sa kanilang pakikipag-ugnayan sa maliliit na tao?



      Mahilig talaga si dela Cruz na tulaan ang mga karaniwang bagay ngunit kaakibat ng pagtula tungkol sa anumang karaniwan ang hamon na magbigay ng mga bagong kaisipan at pagtingin sa mga bagay na ito. At hindi napagtagumpayan ni dela Cruz ang hamong ito sa tulang “Butong Pakwan.”

                             Butong Pakwan

                1           Maliliit na pusong itim
                2           sa sahig ng nagmamadaling dyip,
                3           hinihiwa ang gabi sa dalawa:
                4           Dilim at dilim.

                5           Maliliit na pusong itim,
                6           walang laman kundi alaala
                7           ng dating tumahang tiyak,
                8           hindi na muling makikita.

      Ang “maliliit na pusong itim,” “gabi,” at “dilim at dilim,” ay pawang mga tuwirang talinghaga para sa butong pakwan. Kung gayon hindi maaaring ang “maliliit na pusong itim” ang simuno na siya ring humahati sa gabi. Mas tumpak din, para sa butong pakwan, ang pandiwang “binibiyak” kaysa “hinahati.”

      Hindi naman katanggap-tanggap ang paggamit ng “mga pusong itim at walang laman kundi alaala / ng dating tumahang tiyak,” sapagkat sobrang personipikasyon na ito para sa mga butong-pakwan na wala namang isip upang mapag-imbakan ng alaala. Sa ganitong pananalinghaga ng makata, nakakatawa na at labis-labis na emosyonal ang damdamin na dulot ng pagkawalay ng butong pakwan mula sa itim nitong balat.

      Hindi rin maayos ang paggamit ni dela Cruz ng hambingan. Pansinin ang tulang “Lolo”:

                             Lolo

                1           Parang asong maigsi
                2           ang tali, hindi
                3           siya makalayo
                4           sa bangkong kinauupuan.
                5           Sanlibong puting kurtina
                6           sa mata, sigaw lamang
                7           ng kasalukuyan
                8           at bulong ng nakaraan
                9           ang naririnig.

                10         Nagmano ako
                11         at pakiramdam niya bigla’y
                12         bagong silang siyang sanggol.

      Narito ang dalawang bagay na pinaghambing:

               matandang hindi makalayo sa kinauupuan           na parang aso

      Pansinsin ngayon ang mga katangiang maaaring paghambingin upang makalikha ng ugnayan sa matanda at sa aso:

               maigsing tali           at          sanlibong puting kurtina sa mata (katarata)

      Hindi nagtagumpay ang ganitong hambingan dahil maaaari pa rin namang makalayo ang matandang bulag mula sa kinauupuan sakaling gustuhin niya, samantalang hindi naman talaga makalalayo ang asong nakatali maliban na lamang kung biglang mapatid o malagot ang tali nito. Mali na nga ang paggamit sa dalawang bagay na walang parehong katangian, masagwa pa ang pananalinghagang ginamit—“Sanlibong puting kurtina sa mata”—upang masabing may kapansanan sa paningin ang matanda. Mas mabuting ginamit na lamang ang mismong kapansanan (i.e. katarata) upang maiwasan din ang iba pang interpretasyon hingil sa kalagayan ng matanda.

      Dumami pa ang mga pagkakamali nang akuin ng apo, sa ikalawang saknong, ang kaalaman o kabatiran na naramdaman ng kaniyang lolo kung paano ang maging isang bagong-silang na sanggol (dahil sa pagmamano ng apo?) gayong hindi naman nagwika ang matanda na ganoon nga ang naramdaman niya. Katulad sa karamihan ng kaniyang mga tula, muling naging mapagpanggap ang makata nang angkinin niya ang pakiramdam ng isang bagong-silang na sanggol sapagkat maging ang sanggol ay hindi alam kung ano ang pakiramdam ng isang bagong-silang na tao.

      Higit na bigo ang panulaan ni Khavn sa mga tula sa ikalawang malaking bahagi ng koleksiyon (mga tula tungkol sa lungsod). Naroon pa rin ang pag-romanticize sa mga mahihirap na sa palagay ko ay iniiwasan ng karamihan sa mga kabataang makata ngayon dahil na rin sa pagiging “superficial” na pagtingin at pag-unawa ang ganitong pag-romanticize sa kalagayan ng mahihirap. Labis na sentimental naman ang mga “tulang pag-ibig” at hindi rin gumana, para sa akin, ang tangka ng sureyalismo sa huling tula ng koleksiyon, ang Litanya sa Sacred Heart.

      Napakarami pang masasagwa, luma, at halatang hindi pinag-isipang mga talinghaga at mga linya ng tula sa Guhit ng Talampakan, tulad ng mga nailista ko sa ibaba:

                Hindi ako magnanakaw
                Hindi ako pampasikip
                na aparador.
                Ako ay hangin. (mula sa “Hangin”)

                Ang sigwa ay sigwa.
                Wala nang iba. (mula sa “Sigwa”)

                Batong-lupa — buo-buong lupa (mula sa “Ang Banyagaw”)

                Pasang araw — init ng araw na tumatama sa balikat (mula sa “Manggagapas”)

                Dugo ng damo — dagta (mula sa “Manggagapas”)

                Ang lasong nakahimpil — banyagaw (mula sa “Ang Banyagaw”)

                Likidong-masahista — daloy ng tubig na tumatama sa likod (mula sa “Tangke sa Dawwang”)

                Bola ng bahaghari — makulay na ibong ligaw (mula sa “Sangasang”)



      Masasabing ang pagtula at paglalakbay ay mga gawaing kapuwa nag-uugat sa pagnanais at pagnanasang makaranas at makatagpo ng bago: bagong karanasan, bagong pagtingin, bagong paraan ng pamumuhay. Katulad kung paano niya sinusubok ang nakagisnang hangganan ng wika at ang tanggap at umiiral na kahulugan ng mga salita, paroo’t parito din ang makata sa iba’t ibang pook upang maya’t maya’y kumalas o tumakas sa kinabibilangang pamayanan at nakagawiang pang-araw-araw na ritwal at ehersisyo.

      Hindi mahalaga sa isang magaling na makata kung gaano man kalapit o kalayo ang marating niya sa paglalakbay. Nagiging makabuluhan ang paglalakbay kung nagagamit ng makata ang katawan upang makita, marinig, malasahan, maamoy, at mahawakan o makadaupang-palad ang mga bagong kondisyon ng buhay at pamumuhay na ihinahandog ng pook na narating.

      Bago naging mahusay na makata si Rainier Maria Rilke, kinailangan niyang tuluyang lisanin ang Germany at maglakbay tungong Paris upang pag-aralan ang proseso ng paglikha ng eskultor na si Rodin. Natatangi ang halimbawa ni Rilke sapagkat inilagay niya ang sarili sa isang sitwasyon na talagang sumubok sa kaniyang isip at damdamin. Naroon ang bagong karanasan ng pag-aaral tumula nang mas mahusay habang ginagabayan, hindi ng isang kapuwa makata kundi ng isang eskultor.

      Natutuhan ni Rilke na maging mapagmasid sa paligid at ituon ang buong atensiyon sa bagay na kaniyang inoobserbahan tulad ng panther sa isang zoo sa Paris at ng eskultura ni Rodin ng diyos na si Apollo. Dulot ng mga ehersisyo ng pagmamasid, pagmumuni-muni, at pagkilatis sa sariling mga tula, lubos na nakilala ni Rilke ang natatanging ugnayan ng mga salita kaya naman naging masinop ang paglalatag niya ng mga taludtod at piling-pili ang mga salitang pinagsama-sama upang matagumpay na mabuo ang talinghaga at kaisipan ng tula.

      Tulad ng ginawa ni Rilke sa Paris, hinugot din ni dela Cruz mula sa personal na karanasan sa paglalakbay ang mga materyal sa kaniyang mga tula. Ngunit nagkulang si dela Cruz kung saan nagtagumpay si Rilke: Sa pagbasa sa mga tula ni dela Cruz, makikita na hindi niya nakikilala ang ugnayan ng mga salitang kaniyang ginamit sa paglikha ng tula, kung kaya’t ang resulta ay nagkahalo-halong talinghaga na talaga namang makapagpapaikot ng ulo ng mambabasa. Halatang hindi rin bihasa si dela Cruz sa paggamit sa wikang Tagalog. Sa blurb sa likod ng aklat, isinulat ni Pete Lacaba na “Ang Guhit ng Talampakan ay hindi aklat ng mga tula ni Khavn dela Cruz” at wari’y nais ko na itong paniwalaan sa literal na antas.



      Mahusay sana ang proyekto ni dela Cruz dahil nakikita ko naman ang pagnanais ng makata na ibalik sa katawan ng tao ang kakayahang dumama, masaktan, umaray. Ngunit tila naging koleksiyon lamang ang Guhit ng Talampakan ng karamihan sa mga tulang naisulat ni dela Cruz na napakadaling ipasok sa tema ng paglalakbay.

      Gayunpaman, simula pa lamang naman ito ng paglusong ni dela Cruz sa larangan ng pagtula at umaasa akong mas huhusay pa siya sa mga susunod niyang koleksiyong ilalabas. Ngunit sa ngayon, bilang mambabasa, iniwan ako ni dela Cruz na nangangapa, naninimbang, at nagtatanong kung

                ...bakit umuurong ang paa sa tubig,
                            hindi maabot ang sahig?