Essay Issue 11

   Issue # 11: January-June 2009

Allan Popa



Pagkaligaw at Pagkatagpo sa Tulang “Sa Pagkamatay ng Isang Newsboy” ni Lamberto Antonio


      Makaraan ang dramatikong pagpapakilala ng isang trahedya, makaraan ang sapin-saping parikala na nagpaigting sa kamalian ng dehumanisadong kondisyon ng paksa na naglayong pukawin ang ligalig ng mambabasang may nalalabi pang konsensya at malasakit sa kapwa, may isang sandali sa tulang “Sa Pagkamatay ng Isang Newsboy” ni Lamberto Antonio na nagpadanas, hindi lamang nagpaunawa, ng kahulugan ng isang salita dahil sa mga puwersang nilikha ng mga nakapaligid na salita sa pahina, isang sandali kung kailan masasabing nagsalaman ang salita.

      Sa huling taludtod ng ikalimang saknong, pansinin ang kawalang-bantas ng salitang “naligaw” na sadyang kakaiba kung ihahambing sa iba pang saknong. Sa puntong ito, kung isasaalang-alang ang iba’t ibang tunggalian na naipahayag mula sa simula ng tula na tataglayin ng salitang ito (kung naipapasa nga ang nagbabanggaang puwersa ng mga taludtod habang dumadaloy sa panahon at umaandar pababa ng pahina ang pagbasa), naipawari sa akin kung paano ang “maligaw.”

      Narito ang tula ni Antonio sa kabuuan:


      Sa Pagkamatay ng Isang Newsboy

      Hindi na siya maaaring ibangon
      Ng mga pahinang naging pananggalang
      Sa kahubdan at matinding gutom.

                 Maaari lamang siyang takpan ng mga iyon,
                 At ipagsanggalang sa mga langaw,
                 Sa huling pagkakataon.

      Sapagkat musmos siyang nawalan ng pulso,
      Wala na siyang panahon upang gagapin
      Ang mga pangyayaring nagpapaikot sa mundo.

                 Marahil ay hahanapin siya sa pag-aalmusal
                 Ng mga taong nahirati sa pagbasa
                 Ng balitang kasing-init ng kape’t pandesal.

      Sayang at di na niya masisilayan
      (Sa kauna-unahang pagkakataon)
      Ang sariling retratong naligaw

                 Sa espasyong batbat ng anunsiyo—
                 Newsboy na biktima ng isang kaskasero,
                 Gumulong ang ulo na parang sensilyo.


      Kakalipat ko lamang noon sa kursong Malikhaing Pagsulat sa Filipino, makaraan ang mahigit tatlong taon ng pag-aaral ng Chemical Engineering sa UP at pakiramdam ko pa noon, naliligaw ako sa maliit na silid ng klase ni Rogelio Sicat. Sariwa pa sa isipan ko sa panahong iyon ang imahen ng sarikulay na mga bolang nagbabanggaan na natutuhan ko sa mga klase ko sa Pisika at ang hindi makitang puwersang naipapasa sa prosesong ito na hindi ko inakalang nagaganap din sa mga salita. Hindi pa ako sigurado noon sa pinasok ko. Hindi ko pa alam kung anong anyo ng pagsulat ang gagawin ko.

      Sa tulong ng matatag na paggabay ni Sir Roger, tinungo namin ang kasukalan ng tulang ito. Naaalala ko pa ang pagkasabik sa kanyang mga mata habang tinatalakay namin ang mga posibleng elementong bumubuo sa kabuuang salimuot ng akda ni Antonio. Ginabayan niya kami tungo sa pagkaligaw, isang maligayang pagkaligaw sa salimuot ng tulang binubuo lamang ng labingwalong linya. Nang tawagin niya ako upang ipahayag ang matalik kong pagbasa, hindi ko maipahayag nang lubusan sa sariling mga salita ang sari-saring kahulugan at nagtutunggaling damdamin na napukaw sa akin. Sa unang pagkakataon, bagamat malinaw na malinaw sa aking isipan ang mga larawang ipininta ng tula, waring hindi ako sumapat upang maipaliwanag ang kabatirang inihatid nito sa akin, ang kabalintuanaan na nagpaigting sa espasyo ng pahina. Hindi ko inakalang magagawa ito ng salita.

      Walang bantas ang salitang “naligaw” na nasa tamang lugar at panahon upang maipadama sa sandaling iyon ng tula ang buong puwersa ng pagkawala sa tamang lugar at panahon: ang pagkaligaw, ang pagkalito, ang pagkawala sa sarili ng newsboy bago rumagasa ang huling saknong ng tula:

      Sa espasyong batbat ng anunsiyo—
      Newsboy na biktima ng isang kaskasero,
      Gumulong ang ulo na parang sensilyo.

      Sa sandaling iyon, sa silid ng klase ni Rogelio Sicat, pakiramdam ko sa unang pagkakataon na nasa tamang lugar at panahon ako. Naramdaman ko ang sangangdaan ng nagtatalong damdamin. Nagpasya ako doon at noon, sa kawalang-pasya ng dito-ngayon ng tula.