Sa Loob ng Silid
Kaya kong imapa ang espasyong maaari ko lamang
galawan. Sampung buntong-hininga ang tagal
bago maapuhap ang rehas.
Madaraanan ang mga higaang hilera ng mga puntod.
Ang mga kapwa kong nagsasalita sa hangin,
sa tapat ng nakabukas na telebisyon
na hindi nila tinitingnan. Ipinasok ako rito
upang manatili akong buhay.
Pinakikinggan ko ang orasan,
ang mga kamay na hindi magtatagpo sa isang dasal.
Kumakawala sa aking mga daliri
ang nalalagas na segundo.