Kinukumpuni ni tatay ang sirang orasan.
Nag-uunahan ang mga kapatid kong tumakbo
sa silid paikot sa kusina pabalik sa silid.
Niyaya nila ako ngunit sa labas ang hilig ko,
sa tuktok nitong puno, tanaw ang malayo.
Habang inihahanda ang hapunang panlinggo,
ipinaalala ni nanay ang naiwan kong takda.
Ngunit hindi ko mahiwalay ang aking titig
sa kumpol ng madidilim na ulap, itim na tubig
na tatangay sa lahat ng bahay ng buong bayan.
Tanging ako ang hindi natitinag ng pangitain.
Lumantad ang malalaking bangka, sumakay
ang mga taong mapuputlang tila bangkay.
Hindi nila nalalamang inaalo sila ng alon
pakabilang dilim habang itinatayo ang nasa
sa isip: palengke, pabrika, gusaling matatayog.
Walang napapahinto at napapatitig sa akin
maliban sa isa—ako sa gitna ng marami.
Di ko alam kung ang mata niya’y nagagalak
sa akin o nakikiusap na ako’y magpaanod din.
“Parating na ang katapusan” babala ko noon.
Nalulunod pa rin ako sa narinig na katahimikan
sa pagitan ng tawa nina tatay at pagpapatuloy.