Essay Issue 12

   Issue # 12: July-December 2009

Oliver Ortega



Ilang Sandali Lamang


      Pagkumusta sa isang kaibigan at pag-alam kung may kakilala siya sa mga pinaslang ang agad kong ginawa matapos mabalitaan ang nangyari. Mabilis kasing lumitaw ang pangalan ng dalawang abugado na kabilang sa mga napatay. Tahimik ang naging tugon sa akin ng nasa kabilang linya. Kaya minarapat ko na lang din ang manahimik, ang igalang ang kanya ring pananahimik, bilang paraan ng aktibong pakikiramay. Ganitong malawak ang aming distansya, kasinglawak ng ligtas kong posisyon mula sa pinangyarihan ng kay hirap ipaliwanag na pangyayari—mahirap ipaliwanag dahil di ko pa rin magagap ang salimuot ng tila kay daling akto ng pagkitil ng buhay—wari’y walang makasasapat na salita upang maitawid ang pakikidalamhati. O ang namumuong galit.

      Kay daling husgahan ang ganitong piniling pananahimik bilang pagka-walang-pakialam. Na para bang ang ganitong pagdedesisyon—ang pagkakaroon ng “pakialam”, isang pulitikal/etikal na desisyon na kasasangkutan ng sarili at maaaring sa kinalaunan ay posibleng ikapahamak ng sariling katawan, ay lagi’t laging kagyat. Tila ba ang anumang proyektong pulitikal/etikal at ang paglikha ng kasaysayan ng hinaharap ay nakakulong sa mabilis lumilipas na sandali ng kasalukuyan. Hindi ko mawari ang ganitong kawalan o pagkakait ng espasyo para tahimik na pag-isipan ang mga bagay upang makarating sa angkop (maaaring hindi wasto) na pasya, na kung sa kaso ng piniling sining o ng pagtula, ang paglandas sa at pagbubuo ng mga maiinam na salitang lagi’t laging ating nanaisin/aasahan/aakalain ay makasasapat sa bawat sandali ng kawalang-katiyakan.

      Ipinapalagay ko na may estratehikong sandali ang pagsasalita, na may estratehikong sandali ang pagtula, ang sandali ng tula kung kailan epektibo nitong nakukuha hindi lamang ang panandaliang atensyon ng mambabasa, kundi ang kanyang maraming sandali sa bawat pagkakataon ng pagbabasa. Ang sandali kung kailan, kung saan, nagiging posible ang anumang nais ipagawa, kung mayroon man, sadya man o hindi, ng isang tula sa kanyang mambabasa, at hindi lamang ang basta maunawaan at maipaliwanag ang ipinapalagay na sinasabi ng makata.

      Ganitong uri ng tula, anuman ang pinapaksa, ang nais kong mabasa’t maranasan, dahil ganitong uri ng tula lamang ang maaaring makatugon at maaaring makapagbigay-hustisya sa mga nakakikilabot na pangyayari sa ating nagpapatuloy na kasaysayan. Tula na lagi’t laging nagsisikap makalapit, sa kabila ng limitasyon ng salita at ng pagsasalita, sa pagbibigay ng mental na hugis sa mga materyal na sandaling ating dinadanas o sa mga sandaling naranasan ng iba. Tula na hindi hinihingi ng okasyon kundi hinihingi ng ating panahon.

      Hindi kailangang madaliin ang tula upang maipabatid lamang at kagyat maitala ang boses ng makata sa kay rami na at dumarami pang boses ng indignasyon, pakikisangkot, at protesta ng karaniwang mamamayan. Ang pagsasalita na lamang ay punung-puno na ng pagdurusa at ang pagtula ay hindi lamang basta pagsasalita. May kaakibat itong pananagutan lampas sa ating niloloob, lampas sa kagyat nating emosyon at mga pakiramdam, lampas sa paksa, lampas sa hangganan ng ating mga pulitikal/etikal na pinaniniwalaan. Isang pananagutan sa pagtuklas, sa marubdob na pakikinig, sa mas malalim na pagsisiyasat at pag-aaral, at sa mas mapangahas na interogasyon ng sarili. Pananagutan ito na hindi nagpapaumanhin kung hindi man makatula ang manunulat sa pagkakataong inaasahan ng ilan kundi pananagutan ito na nagbibigay-dahilan sa manunulat na mailuwal ang mabubuting tula.