Poetry Issue 12:3

   Issue # 12:3 : January-June 2010

Lolito Go



Convoy


      Ang gusto ko talaga noon, maging journalist.
      Laging nasa eksena, naghahatid ng balita,
      Nakabuntot sa pulitiko, sa artista, sa terorista.

      Exciting siguro ang makidnap ng Abu Sayyaf
      o ang ma-hostage ng senglot na nag-aamok
      at pagkalipas ng drama, pakakawalan din

      kapalit ng tiket sa barko pauwi ng Leyte.
      Mapanganib pero langit, if you lived to tell
      about it. Sa harap ng kalamidad ng tao’t kalikasan,

      Sa gitna ng putukan, sa piling ng mga aswang.
      Habang mariin akong tumitipa ngayon
      sa keyboard, ginugutom ako ng amoy

      ng nilulutong balita ng nag-aalburutong bulkan.
      At kung minamalas, may umuusok na ring
      mga bungo ng sibilyan, o ng mga taga-media

      na pinaulanan ng tingga. Mapanganib pero langit,
      if you died serving the sizzling plate of truth
      sa hapag-huntahan ng nagugutom na republic.

      Pero aaminin ko, lately na-disillusion ako.
      Ika nga, death wears many faces pero
      meron din talagang hindi na mamukhaan,

      at takot akong isuot ang mukhang iyon
      one bright afternoon sa aking adventure.
      Nakakawala ng bayag pagmasdan silang

      literal na nawalan ng bayag, minachine gun.
      Media man. Tagapamagitan. Kaya siguro
      sa gitna nila pinuruhan. May mensahe

      ang pamahalaan: ’tang ina mo sige gumitna
      kang hindot ka. Babala sa mga mahihilig
      umeksena. Mas malagim kaysa pantasya.

      Hindi laging nakikita ang mga babala
      ng trahedya, gayong trahedyang talaga
      ang makakita. Sumusuot ang nagbabagang

      balita sa aking mga mata, at walang laban
      ang uusalin kong salita. Maliban na lang
      kung ililimbag sa papel, papalamanan ng bato

      saka iiitsa na tila mitsa ng pagbabago ang dila.
      Ang nakababahala, madalas sumasabog kaagad
      ang bomba sa ating palad bago pa maipahayag.

      Kaya ngayon, iingatan kong huwag agad pumutok
      ang mga himutok sa nagsasaknong na hugpong
      ng mga tanong sagot bugtong bugtong saan

      hahangtong ang aking tangka. Talagang mahirap
      tumula. Mailap ang mga parikala’t talinghaga.
      Siguro nga, magigising lang ang tunay na tula

      kapag tulog na ang maingay na balita.
      Kapag tumigil na ang pagbusina ng poot,
      takot at lungkot sa aking gulugod,

      saka pa lamang ako makabubuntot
      sa convoy ng mga makatang walang-kabang
      sumusugod. Heavily-armored ng mga taludtod.