Poetry Issue 12:3

   Issue # 12:3 : January-June 2010

Joseph de Luna Saguid



Ngayon


      Naglipana sa lansangan ang mga pahayag, na kahit paano sinabi, na kahit kaninong bibig nagmula, dumarating sa kaniya bilang pag-uusig, kaya’t mapadudungaw siya sa bintana upang tuntunin kung saang maingay na tagpo naroon ang katawang nilukuban ng madilim na pananaw na kaniyang binitiwan kamakailan nang buong-puwersang ilaylay ang braso at ibuka ang kamao matapos kipkipin ang baryang hindi nagawang ilagay sa palad ng iba dahil nagkulang ng pananalig sa sarili at sa iba.

      Matatagpuan niya ang nagwika: ang matandang tuwina’y naglalaba bago maghatinggabi, maghapong nagwawalis ng bakuran at bangketa, ari ang panahon na umiiral bilang palitan ng pagpikit at pagmulat, at dahil dito, labas sa panahon niyang nakadungaw sa bintana, at dahil dito, kay dali ng pagdura ng husga saanman at kailanman mapuno ang bibig ng hindi malunok na salita: Walang mapagkakatiwalaan at Noong panahon ko habang tila iminumustra sa hangin ang anyo ng bukana ng kasalukuyan na labag sa loob na tinawid ng katawan.

      Isasara niya ang bintana. Magbabalik sa maliit na espasyong kaya niyang panatilihin. Kung saan nakasalansan ang mga gamit na tugon sa pang-araw-araw na pangangailangan. Sinasabon ang sahig, nilalabhan ang kurtina, pinapatay ang mga insekto: Kinakalinga nang buong pagmamahal upang magtagal.