Essay Issue 13

   Issue # 13 : January - March 2011

Mesándel Virtusio Arguelles



Pagmamarka sa Oras:
Ilang Sandali Lamang at Mga Tala sa Alaala ng Kagandahan ni Oliver Ortega


      The poem is a space in time.
      —Heather McHugh


      1.
      Pagmamarka ng oras ang isa sa mga pangunahing tuon ng mga proyekto ni Oliver Ortega. Sinimulan niya ito sa chapbook na Ilang Sandali Lamang (2007). Sa unang seksiyon ng tulang-pamagat na “Ilang Sandali Lamang,” ganito ang isinasaad:

                       Kung malayo pa tayo sa kaloob-
                       looban ng panahon, nasaan
                       kaya tayo ngayon?

                       Tulad ng liwanag ng tala, marahil
                       naglalakbay sa kadiliman ng
                       kalawakan. Kaya patuloy
                       nating natutunghayan.

                       Ang nakalipas ay hindi na
                       maaaring balikan. Maliban
                       kung may tala o larawan.

      Bagama’t hayagang lumilingon sa pag-iisip ni San Agustin partikular hinggil sa teorya ng oras, hindi na “Ano kung gayon ang oras?” ang mahalagang tanong para kay Ortega kundi “nasaan / kaya tayo ngayon?” Sinusundan ng kanyang tanong ang pahayag ni John Archibald Wheeler na ginamit niya rin bilang isa sa mga epigrape ng Ilang Sandali Lamang: “We have come no closer than before to penetrating to the untouchable interior of the phenomenon.” Kung naitakda na ang sukat ng panahon, ang simula at katapusan nito, at “kung malayo pa tayo sa kaloob- / looban ng panahon”—tila mahalaga ngang mabatid, para kay Ortega, kung nasaang bahagi na tayo bilang pagtukoy ng progreso ng estado. Gayunman, hinuha lamang din ang kanyang tugon: “Tulad ng liwanag ng tala, marahil / naglalakbay sa kadiliman / ng kalawakan.” Ngunit may birtud ang kanyang hinuha dahil sa kanyang “paglulugar,” una, ay hindi tayo estatiko, nananatili tayo sa mosyon (naglalakbay) at ikalawa, inihambing niya tayo sa “liwanag ng tala.” Kung ang liwanag ng talà ay pangmarka ng oras ayon sa aklat ng Henesis, at tayo ay “[t]ulad ng liwanag ng tala,” kung gayon, tayo mismo ay pangmarka ng oras at “[k]aya patuloy nating natutunghayan” ang ating sarili.

      2.
      “Ang nakalipas ay hindi na / maaaring balikan.” Totoo. Gayunman, maaaring balikan o alalahanin ang nakalipas sa pamamagitan ng paggunita sa imahen o larawan ng nakalipas. Para kay San Agustin, ang imaheng ito ay impresyong (impression-image) naiwan ng mga pangyayari na nananatili sa isip. Ngunit hindi lamang impresyon-imahen ang nasa isip ni Ortega kundi pisikal na larawan o talâ. Tila siguristang tinitiyak ang pananaig sa paglimot na dulot din ng oras, kaya naman kailangan pa niyang itala ang mga alaala ng kagandahan. Marahil ay naniniwala na, kung para kay Stevens, “[b]eauty is momentary in the mind,” ano pa ang alaala nito—sa kabila ng pagtitiyak ni Agustin na “nananatili ang impresyon-imahen sa isip.” Hindi mapanghahawakan ang mga salita o alaala kaya kailangan ang pisikalidad ng aklat. Ng aklat na naglalaman ng mga salita o alaala o ng mga salita (mga talâ) hinggil sa alaala (ng kagandahan o anuman) na maaaring mahawakan—kaya ibinigay sa atin ni Ortega ang aktuwal na aklat ng Mga Tala sa Alaala ng Kagandahan. At habang nananatiling may sipi ng aklat, nananatili ang mga talâ ng alaala ng kagandahang kanyang ibinabahagi-nananatili ang alaala ng kagandahang ito—kung gayon, nananatili ang pagmamarka ng oras habang balintunang patuloy rin ang oras sa pagbubura sa mga pagmamarkang ito. At itong mga labí (itong pira-piraso ng wika o talâ na isinaaklat) ng pagbubura ng oras sa mga pagmamarka ay ito ring pinakamabisang pangmarka rito kung susundan ang sinabi ni Blanchot: “…by what language other than fragmentary-other than the language of shattering, of infinite dispersal-can time be marked…?

      Kailangan ang pagmamarka ng oras hindi lamang upang matukoy kung nasaan na tayo sa panahon kundi gayundin upang kahit paano’y higit na mabigyang atensiyon ang ating temporal na pag-iral. Napakabilis nga ng oras at hangarin ni Ortega na tayo—kung hindi man ang oras—ay mapahinto kahit “ilang sandali lamang.” Mahihiwatigan ito kahit sa kanyang pagpili ng larawan sa pabalat ng Ilang Sandali Lamang, ang Shooting Through an Apple ni Harold Edgerton, isang litratista-siyentistang pamoso sa kanyang mga litratong nagkuwadro sa pinakamabibilis na aksiyon sa loob ng kung ilang pinakamaliit na porsiyento ng isang segundo gaya nga ng paglagos ng bala sa isang mansanas. Ipahahayag pa ang ganitong mithiin pagdating sa isa pang epigrape ng Sandali, mula pa rin kay San Agustin: “The present hath no space.” Bagama’t ang “present” na ito ni San Agustin ay hindi direktang matutumbasan ng “ilang sandali” ni Ortega na tila mas tumutukoy sa “time passing,” maituturing pa ring ang “present” na ito ang minimithing sandali sa Sandali, lalo’t kung titingnan ang mas mahabang sipi ng bahaging pinagkunan ng epigrape mula sa Confessions ni San Agustin:

                       One hour is itself constituted of fugitive moments.
                       Whatever part of it has flown away is past. What
                       remains to it is future. If we can think of some bit
                       of time
      which cannot be divided into even the
                       smallest instantaneous moments, that alone is what
                       we can call “present.” And this time flies so quickly
                       from future into past that it is an interval with no
                       duration. If it has duration, it is divisible into past
                       and future. But the present occupies no space.
                       (Sa akin ang mga italiko.)

      Hindi ba’t ang “some bit of time” ay maaari nang katumbas ng “ilang sandali lamang”? Sa tesis ni San Agustin, itong “some bit of time” o “present” na ito ay threefold present. Aniya: “It might be correct to say that there are three times, a present of past things, a present of present things, and a present of future things.” Idinagdag pa niya na “the present of past things is the memory; the present of present things is direct perception; and the present of future things is expectation.” Kung susundan ang linyang ito—at sinusundan nga ni Ortega sa pagsipi ng kanyang epigrape mula kay San Agustin—kung gayon ang “alaala” sa “alaala ng kagandahan,” sa bisa ng paghahalili, ay ang “present” o ang “ilang sandali lamang” ng kagandahan na siyang binigyang talâ ni Ortega. Samakatwid, matalik na magkaugnay kung hindi man komplementaryo nga ang dalawang aklat. Kaya ang pahayag sa unang seksiyon ng Ilang Sandali Lamang na:

                       Ang nakalipas ay hindi na
                       maaaring balikan. Maliban
                       kung may tala o larawan.

      ay malinaw na bilang antisipasyon din ng kasunod nitong aklat, ang Mga Tala sa Alaala ng Kagandahan. Sa sandali ng pagkakalathala ng aktuwal na Mga Tala ay saka lamang natin mababatid sa pagbabalik-tingin ang nangyaring antisipasyon dito sapagkat mayroon nga tayong mababalikang katibayan ng nasabing antisipasyon—ang aktuwal na aklat na Ilang Sandali Lamang na naglalaman, kasama ng ibang obra ni Ortega, ng tulang “Ilang Sandali Lamang” na pinagkunan ng sinundang sipi.

      3.
      Mababakas din ang tangkang pagpapako/pagkukuwadro ng sandali sa mga tula. Sa Mga Tala, sa ikatlong tula, halimbawa, ganito ang pahayag:

                       At aporia ang simula
                       ng usapan.

      Sa pilosopiya, isang pilosopikal na palaisipan ang aporia. Sa retorika, ito ay pagpapahayag ng alinlangan o kalituhan kung paano magsimula. Kargado ng ganitong mga pakahulugan ng aporia, alinsabay na lumilikha ang napakasimpleng linya ni Ortega ng isang malaking palaisipan at ng mismong tugon sa palaisipang iyon. Paano makapagsisimula ang nag-aalinlangang magsimula? Na kung patuloy na mag-aalinlangan ay hindi na nga makapagsisimula? Ngunit ito mismong pag-aalinlangang magsimula ang “simula” ayon kay Ortega—isang malaking paradoha kung gayon. Pansining nagsisimula sa pangatnig na “at” ang simula ng linya ni Ortega—“At aporia ang simula”—kung gayon, ipinababatid na itong simulang linya ay karugtong lamang din ng iba pang nangaunang linya o kaisipan/konsepto rito at hindi talaga ang pinakasimula kaya bagama’t ipinahahayag na ito ang “simula”-ang “aporia ang simula”—kaalinsabay ring binabaklas nito ang sariling pahayag, ang sariling estruktura, at lumilikha, sa dekonstruksiyon, ng isang pinal na impasse. Sa paglikha ng pinal na impasse na ito sa linya, tila naipapako ang sandali, naikukuwadro ang kaisipan/konsepto upang muli’t muling balikan—upang muli’t muling simulan. Bagama’t sinabi ni Ortega na “aporia ang simula,” waring maririnig sa hindi niya sinabi ang sinabi ni Beckett sa panimula ng kanyang nobelang The Unnamable (1959): “I should mention before going any further, any further on, that I say aporia without knowing what it means.

      Mababalikan din sa Ilang Sandali Lamang ang kaparehong pagpapahayag ng aporia at pagsasaakto sa pahina ng tila mga pilosopikal na palaisipan sa panulaan ni Ortega. Tingnan ang ikatlong bahagi ng "Ilang Sandali Lamang":

                       Sabi nila, ang
                       isa sa pinaka-
                       malaking problema

                       ang kung paano
                       sasabihin
                       ang problema.

                       Kaya nagsimula
                       tayong maghiwa
                       ng mansanas

                       kaysa mag-usap.

      Sa mahusay na tahasan at tiyak na maiiksing putol ng mga linya sa taludturang ito, parang transkripsiyon ng isang mensahe gamit ang Morse code ang dating sa atin ng mga berso. Rumerehistro bawat linya at nagkakaroon ng sariling bigat/katuturan (bagama’t piraso o prase lamang ito) habang patungo sa pagbuo ng saysay ng pahayag/pangungusap. At kapag nabuo ang katuturan ng pangungusap, mahihiwatigan natin na may hindi maisiwalat na “problema” sa pagitan ng nagsasalitang persona at ng kanyang kausap (ang tinutukoy na “tayo”) kaya ang nasimulan nila ay ang “maghiwa / ng mansanas” sa halip na ang pag-uusap. Gayunman, maikakatwirang itong “paghihiwa ng mansanas” ang siyang “simula ng usapan”—ang talinghaga ng aporia para kay Ortega. At higit pa, ito mismong mga linyang ito, mula sa “[s]abi nila, ang" hanggang sa “kaysa mag-usap” ay maaaring basahin bilang siyang panghalili rin sa “paghihiwa ng mansanas”—sa ibang salita, ang mismong mga salitang isinulat, inilinya sa pahina bilang siyang talinghaga ng isa sa mga kaisipang nakapaloob sa mga salitang ito—ang talinghaga ng “paghihiwa ng mansanas” bilang "simula ng usapan.” Samakatwid, ang tula—o sa partikular, ang bahaging ito ng “Ilang Sandali Lamang"—sa pinakaubod bilang pagsasaakto nga ng ipinahahayag nito at hindi instrumentong “tagapaghatid ng mga mensahe/kahulugan.”

      4.
      Sa “pagsasaakto” ng tula sa “sinasabi” nito, naipapako/naikukuwadro ang sandali ng pangyayari/konseptong isinasatula. Pagpapako/pagkukuwadro ng sandali na hindi nagpapanatili sa sandali na maging walang tinag o estatiko lamang bagkus pagpapako/pagkukuwadro sa sandali na balintunang nagpapanatili rin dito sa mosyon (“liwanag ng talang naglalakbay sa kadiliman”). Masasabing ito ang sandaling katumbas ng “time passing” o ang “present” na walang ekstensiyon at tanging bahagi ng oras na maaaring masukat para kay San Agustin at sa kanyang tesis ng threefold present ay ang “present of things present” na binibigyan natin, aniya, ng atensiyon o immediate awareness. At itong kaparehong atensiyong ito sa saysay ng sandali ang hinihingi sa atin ng mga akda ni Ortega. Itong bagama’t “ilang sandali lamang” ay may salaysay at salimuot na magkakasapi at magkakasapin, katunayan sa mga tulang “Sandali ng Dalaw,” “Sandali ng Katahimikan,” “Sandali ng Sulyap,” “Sandali ng Katotohanan,” at “Sandali ng Mangha.” Sa “Sandali ng Katahimikan,” ani Ortega:

                       Mabilis na lumisan ang dumating.
                       Ni hindi mo naiabot ang iyong palad
                       para makipag-kamay.
                       Hindi mo nasabing Sandali!
                       gayong palagi, ikaw
                       at ang salita ay iisa.

      Muli, sa unang linya pa lamang, tila napagbuhol na ang salimuot ng salungatang akto ng pagdating at paglisan. Halos oxymoron ang balintunang linya. Kung mabilis ding lumisan ang dumating, dumating pa ba ito? At kung dumating man, dumating lang para lumisan. Gayon ang malaking paradoha ng sandaling kinikilala at muli’t muling ipinakikilala sa atin ni Ortega. At ipagpapatuloy niya:

                       Hindi mo nasabing Sandali!

      Ngunit sa konstruksiyon ng linyang ito, sa pagsulat na “Hindi mo nasabing Sandali!” kaalinsabay na binabaklas ang sariling pahayag—sinabi na rin ang Sandali!—lalo pa nga’t nakaitaliko ang salitang ito bukod sa nagsisimula sa malaking titik at nababantasan ng tandang padamdam, samakatwid ay tumatawag ng pansin sa sarili nito. Kaya ang karugtong na mga linyang “gayong palagi, ikaw / at ang salita ay iisa” ay hindi na lamang tila kontra-asersiyon ng “nasabi” (ng nasa pahina) kundi kasabay ring tila apirmasyon/amplipikasyon ng “di-nasabi” (ng wala sa pahina) sa naunang pahayag. Maidaragdag pa rin na kung “ikaw [tayo]” / at ang salita ay iisa”—(kung tayo ay “tulad ng liwanag ng tala”)—kung gayon tayo mismo, uulitin ko ang nauna ko nang sinabi sa simula ng sanaysay na ito, ay mga pangmarka ng oras, at kung isusulong pa, tayo mismo ay mga “sandali” kaya, sa isang banda, maaaring hindi na nga kailangang wikain pa ang Sandali! Sa kabilang banda, gayunman, kailangan pa rin nating gumamit ng salita—magsalita o magsulat—sa kabila ng kakulangan nito. Ayon kay Karmen MacKendrick, sa kanyang librong Immemorial Silence, “to speak or to write is always to speak or write at a time and of a time, to imply some relation between the time of speaking or writing and the time of that of which one speaks or writes.” Sa ganitong suma, masasabing tila laging pinupunan din sa pagsasalita o pagsusulat ang kakulangan ng wika kahit, dagdag pa ni MacKendrick: “Our words will always be wanting. Language is always desiring what language cannot have.” O sa wika ni Ortega sa ika-19 na tula sa Mga Tala:

                       Tungkol sa gunita:
                       Tungkol sa huling eksena ng pelikula:
                       Tungkol sa nawawalang pilas ng papel:
                       Tungkol sa madaling-sabi:

                       Iyan ay kung mapupunan
                       ang bawat pagkukulang.

      May sadyang kinaligtaan si Ortega pagkaraan ng bawat tutuldok sa bawat linya sa unang saknong—ang hindi mababatid tungkol sa gunita, huling eksena ng pelikula, nawawalang pilas ng papel, at madaling-sabi—at lalaging arbitraryo kung maibibigay man ang sinasabing “tungkol” sa mga ito “kung mapupunan / ang bawat pagkukulang.” At “[k]ung kulang,” susog niya sa penultimang tula sa aklat, “…hindi ito / nagtatagal. / Hindi ito magtatagal.”

      Batid ang di-mapasusubaliang kakulangan at di-pagtatagal ng lahat—maging ng alaala—iniaabot sa atin ni Ortega ang mga obrang Ilang Sandali Lamang at Mga Tala sa Alaala ng Kagandahan bilang testamento ng kanyang masidhing pagnanasang markahan ang oras, i.e., mapalawig kahit paano ang maaaring mapalawig, hawak ang wikang siyang tangi pa rin nating mapanghahawakan kahit hindi nga mapanghahawakan, laban sa patuloy lamang na lumalaki at lumalagom sa ating temporalidad at oblibyon.