Poetry Issue 15

   Issue #16 : January-June 2012

Allan Popa



Sa Silid-Aralan ng Tula


      (Binasa sa Ayala Museum, Makati City bilang bahagi ng panel na "The Many Poetic Forms" sa Manila International Literary Festival noong November 18, 2011)

      Ano nga ba ang naituturo kapag itinuturo ang tula? Napanghahawakan ba ang kaalamang naipapasa sa proseso ng pagbabasa ng tula? Nasusukat ba ang pagkatuto sa disiplina ng pag-aral sa kasiningan ng tula?

      Ilan lamang ito sa mga suliranin na madalas kong pag-isipan kapag naghahanda ng mga aralin bilang guro ng panitikan at pagsulat sa unibersidad. At makaraan ang mahigit labimpitong taon ng pag-aaral at pagtuturo ng tula, tila lalo akong nahihirapang makahanap ng tiyak na kasagutan sa mga tanong na ito.

      *

      Ayon sa makatang si Paul Celan, "ang tula ay nag-iisa at nasa landas patungo." Mabunga kung pag-iisipan, para sa akin, ang ideya na may tinatahak na direksiyon ang tula, na may pagnanais itong makidaupang-palad, bagamat walang matukoy na tiyak na destinasyon. Sa aking pagtuturo ng tula, ito ang sinisikap kong maipadanas sa mga estudyante sa proseso ng pagbabasa: na nasa kaligiran sila ng tula habang nangangapuhap ito, habang nakikiramdam ang mga salita sa hanggahan. Na ang pakikiramdam na ito ng tula ay hindi nalalayo sa pakikiramdam nila bilang mambabasa sa sinasabi ng tula. Ang bawat isa sa amin sa silid-aralan ay mga tuldok sa abot-tanaw ng tula, mga posibleng patutunguhan.

      *

      Masasabi kong lagi akong mag-aaral ng tula. Sa pagbabasa, maging sa pagsusulat at pagtuturo ng tula, hindi ako naaalis sa pagiging mag-aaral. Marahil hindi ako natututo. Marahil natututo ako na hindi matuto. Marahil hindi ganap na nakararating sa akin ang karunungan ng tula o kung dumating man, agad din itong lumilisan. Tinatanggap ko ito, panandaliang nahahawakan sa pakiwari, ngunit hindi napanghahawakan. Para akong sumasalok ng tubig gamit ang salaan.

      *

      Ang pananahan sa kawalang-katiyakan ang pangunahing lugod na naibibigay sa akin ng pagbabasa ng tula. Tentatibo lagi ang pag-unawa. Nakikiwari. Naninimbang. Nag-aalangan. Nagpapanukala. Nagbabago ng isip. Para bang laging nasa landas patungo sa pagkakabuo ang tula at nagiging saksi tayo sa prosesong ito. Aaminin kong isa ito sa mga aralin na pinakamahirap ituro sa klase dahil tila salungat ito sa pagpapahalaga ng makabagong panahon. Nangangailangan ito ng panahon, ng pagpapabagal ng oras, ng pagtutok. Matiyagang naghihintay ang tula. May naipon itong panahon. Isa itong walang-hanggahang kuwadro ng atensyon.

      *

      Katulad ng silid-aralan, linangan ng potensya ang tula. Sa halip na itanong kung ano ang ibig-sabihin ng tula, sa halip na tiyakin ang kahulugan nito, mas kapaki-pakinabang marahil na itanong kung paano binuo ang tula. Kung ang tula ay kalipunan ng mga pasyang ginawa ng makata, maaaring tratuhin ng mambabasa ang mga puwang ng tula bilang kalipunan ng mga akto ng pagpapasya, ng pagsasaalang-alang ng mga posibilidad, ng mga pagpipilian sa abot-tanaw. Ang pagbabasa, wika nga, ay muling pagsulat.

      *

      Madalas nating marinig ang kaisipan na itinuturo mismo ng isang mahusay na tula kung paano ito babasahin. Gaano man kahirap unawain, gaano man kaiba ang gamit nito ng wika, may prinsipyong gumagabay sa pag-iiba nito sa nakasanayan: may sarili itong alituntuning sinusunod habang nabubuo ang tula, alituntuning nabubuo habang sinusunod ng tula. Marahil ito ang tinatawag na anyo ng tula. Ang hubog na naukit sa landas ng pagsasaalang-alang, paninimbang at pagpapasya ng isipan. Ito ang magkakasamang dinadanas ng manunulat, mag-aaral at guro ng tula sa pagbabasa. *

      Para sa akin, isa sa pinakamabisang paraan ng pag-unawa sa kasiningan ng tula ang pag-aaral sumulat ng tula batay sa natatanging prinsipyong gumagabay sa binabasang tula. Pag-aaral ito sa topograpiya ng ikinilos ng isipan sa loob ng tula. May anyo ito na maaaring punan at, ayon nga sa isang makatang hinahangaan, nababago natin ito sa pagpupuno, at tayo rin ay maaaring mabago sa proseso (Bidart).

      Marahil ang pananahan sa kawalang-katiyakan sa pagsusulat at pagbabasa ng tula ay pag-aaral sa kakayahan nating mabago, ng kapasidad natin na maging Iba.