Poetry Issue 15

   Issue #17 : July-December 2012

Allan Derain



Ang mga Unang Gawain


      Nangangapal ang dilim. Naghahabol sa naglalahong liwanag ang mga papauwing tagak. Humihip ang hanging parang haplos ng kamay ng bangkay ang dalang lamig. Sa lupa, nagkumpol-kumpol ang mga dagang-bukid sa loob ng kanilang lungga habang hinahanapan ng init ang mabalahibong katawan ng isa't isa. Dumating ang gabi nang hindi kasama ang buwan na ipinagtampo ng mga palakang araneta. Samantalang sa paligid ng punong kamantigue, nagkakagulo ang mga alitaptap dahil alam marahil nilang uulan nang malakas pero wala silang mga handang bota, kapote, at payong. Ilang sandali pa, bumuhos na nga ang malakas na ulan. Sabay-sabay namang nagpuri ang mga palakang araneta, napawing bigla ang tampong dinaramdam kani-kanina lang. Muli nilang makakahalubilo ang mga tilapia kapag tumaas at lumigwak ang tubig sa palaisdaan. Sandaling nagkalamat ang buong kalawakan sa pagguhit ng sanga-sangang kidlat. Narinig sa dilim ang iyak ng isang tila nasindak na musang na sinundan ng isang malakas na kulog. At dumating ang baha. Gumapang ang mga suso patungo sa loob ng kasilyas. Sa gilid ng inidoro, nakadikit na roon at tila hinding-hindi na matatanggal ang mga naunang linta.
               Paglipas ng delubyo, sa gitna ng baha at ng mga natumbang puno, makikitang naglalakad na mag-isa ang Manunubos ng mga Kumag.
               Dinalaw niya ang mga nawasak na punso ng mga langgam para itayong muli ang mga ito. Bilang kapalit ng kaniyang pagtulong, hiniling niya sa mga langgam na buksan nila para sa mga nangangailangan ang kanilang mga kamalig na may pang-isang taong imbak na butil.
             Hinanap din niyang isa-isa ang mga ibong inakay na ikinalat ng hangin sa lupa. Tuwing makakakita ng kahit na isa, maingat niya itong dadamputin para ilagay sa pasiking na dala.
              Nilusong din niya ang malalalim na baha upang bawiin mula sa tubig at upang maibalik sa kanilang mga mahal sa buhay ang mga bangkay ng mga nalunod na kumag.
               Sa huli, pinalipad niya sa nagluluksang ulap ang mga langay-langayan upang magbigay pag-asa sa sinumang makakakita sa mga ito. Habang kumakampay, hindi naman mapigilan ng mga langay-langayang pag-usapan ang Manunubos. Sabi nila, huli na raw ito kung dumating at sablay pa kung tumulong.