Poetry Issue 15

   Issue #17 : July-December 2012

Marlon Hacla



Ang Nagpapanginig sa Lahat ng Aking Mga Salita


      Sa gitgitan ng mga puno ng akasya, parang may naghugas ng pabango sa paligid, may nag-iwan ng galit sa mga tinapakang gumamela. Sino ang magsasabing sa gitna ng gabing ito, may magbubukas ng galeriya ng mga implikasyon ng iyong mga salita? Sa tuwing magkukuwento ako ng panaginip, magbibigay ka ng paliwanag. Sa tuwing ididetalye ko ang disenyo ng mga sagot para sa katanungan mo tungkol sa pagdadalamhati, pagdurusa, paghihirap na tila noong una'y inakala nating nagapi na ng sarili nating pagsusumikap, ngunit sa katotohanan, nanahimik lamang palang tila isang isinaradong baul ng mga sumpa, tinututop ng iyong palad ang aking bibig at sinasabing, sshhh, sshhh, hubaran mo ako ngayon din at patatawarin ko ang iyong kahangalan, dadalhin kita sa kakahuyan, dadalhin kita sa halikan ng tubig-alat at buhanginan, sa dilim ng mga arko, dadalhin kita sa bukana ng pintong magpapatuloy sa huling limang gabi ng iyong kaluwalhatian, dadalhin kita sa hindi natatapos na wakas ng tubig, dadalhin kita sa matrimonyo ng unang dalawang araw ng iyong paghihingalo, dadalhin kita sa ibabaw ng ragasa ng ilog, sa ilalim ng libingan ng mga nalimot, dadalhin kita at ilalapit sa makinis na batok ng iyong iniirog, sa kaguluhan ng kanyang kaselanan, dadalhin kita sa hapon, sa pagliliwanag ng araw, sa pagitan ng sakit at ligaya, dadalhin kita sa kaganapan ng pagdidilang-anghel ng iyong mga kaaway, dadalhin kita sa bawat bersiyon ng salawahan mong kaluluwa, sa paanan ng Ina ng Laging Saklolo, sa unang salita ng iniwan mong wika, dadalhin kita sa mga awit ng sarili mong kapangyarihan, sa lugar na hindi matatarok ng sarili mong kapangahasan, sa tuyong lalamunan ng iyong minamahal, sa pahingahan ng isinugo upang undayan ka ng siyamnapu't siyam na saksak, dadalhin kita sa silangan, sa alegoryang ginawa ng pagtatatwa mo sa iyong identidad, at doon, hahawiin ko ang mga tinik, babanlawan kita ng alak, hahaplusin ko ang iyong mga binti, at mangangako akong babantayan ko nang may takot at pag-aalala ang bawat mong hakbang.