Poetry Issue 15

   Issue #17 : July-December 2012

Rosmon Tuazon



Ikaapat na Panauhan


      Hindi ako maghihinakit, makaligtaan man ako sa naratibo
      ng mga minahal at iginalang. Hindi ko mamasamain

      kung sa dagsa ng mga estranghero ay may kumalabit sa akin,
      magsabing “wala ka sa aking aklat.”

      Aklat na tangan niya’t buong-diin na ipipinid
      bago tumalikod upang muling magpaanod sa dumog.

      Ako naman ay nagpapadala lamang din sa aking mga paa,
      sinusubukang mamuhay nang walang gaanong bagahe:

      magsulat ng isa-dalawang tula kung sumpungin,
      o dumalo sa mga salu-salong hindi ako imbitado

      at lahat ng bisita ay nagpapanggap na magkakakilala.
      Sanayan lang naman—ang humagikgik sa malalamang kantiyaw,

      sumakay sa mga gasgas na biro—
      hanggang sa dami ng nasabi ay wala rin akong naiambag sa usapan.

      Hanggang makutuban ko na may kuwentong mas malaki
      sa kahit anong ikuwento ko, at ako ay gumaganap lamang

      sa papel ng walang-ngalang tagapakinig,
      o isa sa mga napadaan lamang, hindi rin magtatagal.

      Minsan, natutukso akong ikuwento ang tungkol sa bisikleta ko
      noong bata—asul siya, laging bagong grasa ang kadena—

      ngunit tama, para saan pa?
      Kagabi ay pinanood kong matulog ang aking mahal,

      napaisip kung ano ang napapala niya kapag ako ang pinanonood.
      Iwinasiwas ko ang aking palad sa mga talukap,

      na parang binubuko ang isang pinagdududahang bulag.
      Ano ang papel ko sa kaniyang aklat, pang-ilang kabanta,

      paano niya binibigkis ang mga pahina ng panaginip?
      Anong salaysay ang isinusulat na walang pahintulot ko,

      ni hindi ako isinasaalang-alang.