Malakas ang atas ng dalawang silid:
Ang unang pagtapak sa buwan, ilang taon
nang inaabangan. Ang huling pag-ahon
ng hininga na matagal nang iniwaglit.
Anomang oras. Buhat nang ma-coma
ang maysakit. Anomang segundo.
Ang pahatid mula sa himpapawid.
Sa sala, himpit ang hininga
sa nakaambang bibig ng radyo.
Sa kuwarto, ang bigat ng hinahabol
na hininga at buntong-hininga
ng nakaupong nagbabantay sa sulok.
Hindi napigilan ang paglabas ng silid.
Ang ngiti ng pag-aabang sa sala.
Sa unang pagtapak ng paa, ang pagtalon
ng sangkatauhan sa harap ng radyo’t
telebisyon. Ang mga hiyawan at paswit.
Kasabay ng pag-ahon ng pigil
na hininga bago ang huling segundo.
At biglang naalala ang naiwan.
Ang mabilis na pagpuslit ng bantay sa silid.
Ang lamig ng nagpantay na mga paa.
Ang pagkapit nang marahan sa bisig
ng silya. Walang pagsisisi o lungkot.
Bakas lamang ng lumisang kasiyahan.
Paano ang pagbabalita?
Kalahating oras ang lumisan bago muling
nagtungo sa sala. Ang karipas sa loob.
Bakit ngayon mo lang sinabi? Pumaligid
ang lahat sa kama. Tahimik ang mga dasal
maliban sa marahang sambit ng lola—
Kita n’yo na’ng lolo n’yo. Inunahan
pa yata’ng umakyat sa buwan.