Poetry Issue 20:2

ISSUE 20:2 : JULY-DECEMBER 2014

Harris Guevarra

Ang Estatwa

Patung-patong na marmol, buhat-buhat
bigat ng bawat isa, anim na tao
ang taas, toreng pa-langit sa mga insekto,
itong estatwa ng anghel sa plasa,
ilang daang taon nang nasa akmang
bubukad ang mga pakpak, lilipad.

Ang malamig niyang katawan, pinabigat
ng mga kamaong galit at nakakuyom,
hindi aahon sa tubig, hindi lulutang
sa hangin, katulad marahil ng puso niya,
balot sa semento at isinilid na parang
isang sikreto sa malapad niyang dibdib.

Puting-puti ang pinta niya, kitang-kita,
itinatago mga palatandaan ng digmaan,
lindol, hindi siya mababakasan ng takot
o pagod sa makisig na pagkakatayo,
pasugod na sundalo ang mga bilog
na matang matalim ang titig sa kalaban.

Buhol-buhol ang buhok niya, naliligaw
ang bawat hibla, mga maninipis
na kadenang kulang na lang ay korona,
kung may gusali lang na mas mataas,
at mula doon sa tuktok susulyapan,
mukha siyang kristong bagong hirang.

At kung papansinin ang mga labi niyang
taimtim na nakasara na parang pangarap
na nilimot na, makikilala siyang
isang dakilang mangingibig, naghihintay
nang may lumanay sa pagpanaw
ng pag-asang ang pag-ibig ay darating pa.

Nais ko siyang makilala, sa katotohanan,
kung maikukulong ko lang siya sa aking
maleta, maiuuwi sa aking bayan,
maitatayo sa harap ng aking tahanan,
tila isa siyang salamangkang tiyak
kamamanghaan ng mga mapadaraan.

O baka naman wala na siya rito, bangkay
na lamang niya itong nakikita ko,
hindi na babalik, hindi na masusundan,
malayo na ang narating ng malayang
isipan, parang ibong pinakawalan,
kabayong tumatakbo sa dalampasigan.