Poetry Issue 20:2

ISSUE 20:2 : JULY-DECEMBER 2014

Harris Guevarra

Buto, Laman at iba pang Nahahawakan

Naghuhukay sila sa pag-aakalang natatabunan ng lupa ang nakaraan. Umaga at gabi, pinaaahon ang lahat ng maaaring magbigay ng pangalan sa kanilang kasaysayan. Bumabalik silang bitbit ang mabibigat na kalooban.

Malalim na ang mga taon ng paghuhukay. Maaari naman talaga silang huminto, ibaon sa limot ang panaginip, ngunit kumakapit sa kanilang gunita kahit sa pagtulog ang hubog ng buto, laman at iba pang nahahawakan. Sa gitna ng gabi at kapatagan, tumitingala sila sa langit at inililigaw ang mga sarili sa dami ng bituin kung saan nasusukat nila ang ikli ng lalakbayin.

Isang umaga, isang batang kaluluwa ang naligaw sa kanilang bayan. Wala itong pangalan o anumang pagkakakilanlan. Nagkulong ito sa isang silid, nanatiling tahimik, nagbasa ng mga aklat, iginuhit sa putik ang isang daigdig na walang sinuman ang nakauunawa.

Makalipas ang ilang taon, walang anu-ano’y bigla siyang nagwika: Sa dulo ng ikapitong bayan, sa wakas ng ikapitong burol at ikapitong ilog, maghukay tayo, naroroon ang ating mga bangkay.

Nagtipon ang mga kaluluwa at nagtaka kung saan ang tinutukoy ng bata. Wala silang alam na lugar maliban sa kanilang kinatatayuan, ni walang palatandaan sa langit ang kanilang kinaroroonan.

Ngunit binibigkas nila ang bawat salita ng bata na parang sa isang santo o propeta. Sa madilim na hamog, isa-isa silang yumaong sumasampalataya.