Poetry Issue 20:2

ISSUE 20:2 : JULY-DECEMBER 2014

Oliver Ortega

mula sa Nasa

Inaalala ko ngayon ang pangarap nating utopia noon. Binalewala mo ito, tinawag na nostalgia, para sa nakaraang hindi na mababalikan. Papunta ka pa lang, pabaliktad na ang sikmura ko. 1976. Inihain nina Friedman at Wise ang terminong promise. Tinawag ito ni Hibbard na eventual. Nang una itong gamitin, nangahulugan ang kasaysayan na pagsasaliksik sa pamamagitan ng pagtatanong. Ano itong namagitan sa atin, paanong pagdaan ng panahon humantong tayo sa magkabilang dulo ng tulay. Ang tanging remedyo sa pumalpak na proyektong pulitikal ay ang pagbabago ng relasyon natin sa oras, hindi ng relasyon natin sa isa’t isa. Tulad ng sementeryo, ang museo, puro patay. Ipinangako mo simula noon na kakaligtaan na ang sining. Wala na itong lugar, wala na ito sa lugar, sa kontemporanyong panahon. We are now in the era when imperialism is heading for total collapse and socialism is advancing to worldwide victory. Hindi ka pa ipinapanganak nang muling itatag ang Partido. Anong taon na ngayon. Masdan, salamin at ang mukha sa salamin. Makalipas ang isang taon, ipinaliwanag nina Baker at Hewitt ang konsepto ng hinaharap mula sa ideya nina Hibbard. Tumutulay lamang talaga tayo sa mga nailatag na na ideya. Posibleng ang relasyon natin ay talagang ispektral. Posibleng ang pagkaligta ay pagharap sa posibleng hinaharap. Posibleng nagsusulat tayo ngayon para magbura.