Poetry Issue 20

ISSUE 20:1 : JANUARY-JUNE 2014

Allan Popa

Katarungan at Liwanag

Tatawad ako ng isang dangkal na liwanag. Hindi sa dulo ng araw kundi sa unang sandali pagkaraan ng tanghaling-tapat. Ang pinakamapusyaw na kulimlim na halos walang nakapapansin. Hindi ko alam kung saan ko ito gagamitin. May nais akong makita sa ganitong liwanag. Tanging ang pinakamaselang instrumento ng tao lamang ang makahahalata marahil. Ano ang hihinging kapalit ng maipapakita nito na hindi maipapakita ng ibang liwanag? Walang nawawaglit sa pagtutuos ng panahon. May tititigan ang isang bata sa loob ng holen na may lamat na hindi niya malaman kung ano at balang araw, sa sandaling pinaka-hindi niya inaasahan, masusumpungan niya sa mga mata ng kanyang minamahal kung gaano kalalim na ang naipong hinanakit na naidulot niya at wala siyang magagawa kundi ang bumaling sa bintanang walang ginhawang maiaalay kundi ang bintana rin ng kapitbahay.