Poetry Issue 20

ISSUE 20:1 : JANUARY-JUNE 2014

Allan Popa

Kung Wari

Kunwari mga bata uli tayo
sa ilalim ng mesa, naglalaro
ng bahay-bahayan.
Hindi na mahalaga kung sino ang tatay o nanay
kung sino ang gaganap na mga anak

Ang matatanda, mga binti at paa lamang ngayon,
dumadaan-daan sa labas ng ating bahay.
Hinahayaan nila tayo sa ating mundo
dahil hinahayaan natin sila sa kanila.

Kung kailan natin maisip na gabi
isasara lamang natin ang kumot
na itinalukbong sa mesa
at magkukunwari tayong natutulog.
Ang matatanda sa labas, mga ingay lamang
at aninong walang hubog.

Magaling tayong magkunwaring tulog
kung pilit na pinapatutulog.
Kung laro lamang sana ang pagtulog.

Kung minsan, makikinig tayo sa usapan
ng matatanda: alam mong may hindi magandang
nangyayari sa labas ng bahay
kung hindi tayo pwedeng lumabas,
kung hindi nila tayo hinahayaan
sa sarili nating mundo at hindi nila tayo gustong
isama sa kanilang mundo.

May mga pagkakataong hindi laro
para sa kanila ang ating laro.
Ano ang magagawa ng isang bata
kundi ang magkunwaring natutulog.

Sa bahay natin sa loob ng bahay,
paghawi ng kobre kama, umaga na.
Ibabalik natin ang mga gamit sa takda nilang lugar:
ang kobre kama, ang kumot, ang unan sa kama
at ang hindi matinag-tinag na mesa ay mesa.