Poetry Issue 21

ISSUE 21 : JANUARY-JUNE 2015

Dennis Andrew S. Aguinaldo

Reglamento

Nanahimik ako at nagpakaaba, at
nagtimpi maging sa mabubuting salita.
—San Benito

Matutulog silang bihis, at nakasinturon ng mga lubid; ngunit kailangang hubdin ang kanilang mga kutsilyo, at baka magkamali sila’t mahiwa ang sarili habang natutulog. Pagkatapos nilang bumangon upang harapin ang Gawain ng Diyos, tahimik nilang hihimukin ang isa’t isa, sapagkat mahilig magdahilan ang mga antukin. Ngunit kung salat ito sa pang-unawa, hayaang pumasailalim ang kanyang katawan sa parusa.

Kapag napatunayang mas magaan ang mga pagkakamali ng kapatid, hindi ito hahayaang makisalo sa hapag-kainan. Halimbawa, kung kakain ang mga kapatid sa tanghaling-tapat, bandang hapon na ito makakakain; kung bandang hapon kakain ang mga kapatid, pagabi na ito makakakain; hangga’t makamit nito ang kapatawaran sa pamamagitan ng nararapat na bayad-pinsala. Hindi siya maaaring basbasan ng sino mang mapapadaan, at hindi maaaring basbasan ang pagkaing idudulot sa kanya. Kung gayo’y nararapat niyang gamitin ang bawat kakayahan ng isang marunong na manggagamot at ipagbilin ito sa senpectae, ibig sabihi’y mga sanay at matatalinong kapatid, upang lihim na tulungan ang nagugulumihanang kapatid, himukin itong magpakumbaba bilang pagbabayad-pinsala, at aluin ito at baka lamunin ng labis na kalungkutan.

Ganoon kadakila ang kanyang awa sa kahinaan nito na buong pakikiramay niyang ipinatong ito sa kanyang banal na balikat at sa ganoong paraa’y ibinalik sa kawan. Ngunit kung hindi ito magagamot sa ganitong pamamaraan, sa wakas ay kakailanganin ng abad ang balaraw upang pumutol ng biyas.

Ang ibig nating sabihin, kapag hindi ipinahintulot ng abad, walang maaaring mangahas na mag-abot, tumanggap, o humawak ng ano mang bagay na para bang kanya ito, dahil walang ano mang pagmamay-ari—ni isang aklat, sulatan, o panulat—sa madaling salita, wala ni isang bagay, lalo’t hindi naman ipinahihintulot sa mga monghe ang malayang paghawak maging sa kanilang mga katawan at kalooban. Siya itong maglalaba ng mga tuwalyang pinagpunasan ng mga kapatid ng kanilang mga kamay at paa. Walang bubulong-bulong, walang magsasalita—tinig lamang ng mambabasa ang maririnig doon.

Hindi maaaring makatanggap ang mga batang lalaki ng kasing-dami ng matatanggap ng kanilang mga nakatatanda, bagkus mas kaunti pa nga, sapagkat pagtitipid ang patakaran sa lahat ng bagay. Kanyang pag-aalinlangan ang sariling kahinaan at iingatang hindi madurog ang gasgas na tambo.




Binuo ang limang talata mula sa mga pangungusap ni San Benito. Pinili ang mga ito, isinalin, at inilatag nang hindi lumilihis sa pagkakasunod-sunod ng kanyang mga alituntunin.