Essay Issue 22

ISSUE 22 : JULY-DECEMBER 2016

Bomen Guillermo

Gutom at Rebisyonismong Pangkasaysayan

Alam ng lahat na nanguna ang mga taxi driver sa pangangampanya para kay Digong nitong nakaraang eleksyon. Kaya hindi na nakapagtataka nang isang araw mula sa Quezon City Post Office patungong Diliman ay nagsimulang mangampanya para kay Digong ang drayber ng taxi na sinasakyan ko. Marahil magkasing-edad kami. Nag-aral din daw siya sa kolehiyo sa University Belt kaya lang ay hindi nakapagtapos dahil napaagang mag-asawa.

Sanay na ako makarinig ng mga papuri kay Digong pero hindi ako handa nang biglang nangampanya na rin siya para kay Bongbong Marcos. Samantalang binabaybay namin ang Quezon Memorial Circle, sinabi niyang naaalala niyang napakaginhawa at napakadisiplinado ng buhay noong panahon ni Macoy. Nararapat lamang sa gayon na iboto ang kanyang anak na si Bongbong na tiyak magpapatuloy ng mabubuting ginawa ng kanyang ama. Tinanong ko sa kanya, paano na ang mga ninakaw ni Macoy? Sumagot siya na wala namang kahit isang kasong napatunayang nagnakaw si Macoy. Kayamanan ni Yamashita ang natuklasan ni Marcos. Paano na ang mga pinatay at tinortyur ni Macoy? Sumagot siyang pumatay din naman ang mga komunista ng mga tao ni Macoy di ba? Patas-patas lang. Nag-iinit na ang ulo ko nang sinabi ko sa kanyang baligtad ang pagkaalala ko sa panahon na iyon. Sinabi kong ang naaalala ko ay naghihirap ang mga tao. Ang naaalala ko ay nagugutom ako. Mayaman ba kayo noong panahon ni Macoy? Bakit maginhawa ang buhay ng pamilya mo? Bakit busog na busog kayo? Nakangiti siya nang pababa na ako ng taxi sa dating UP Faculty Center. Nagpaumanhin ako sa kanya sa init ng ulo ko. Umalis ang taxi na nalalaman kong panatag ang loob ng nagmamaneho sa lahat ng kabutihang ginawa ni Macoy.

Naisip ko ang sinabi ko sa kanya na ang naaalala ko noon ay nagugutom ako. Iyon ang alam ko sa kasaysayan noon. Naalala ko nga nang tinanong ko minsan ang nanay ko noong wala pa yata akong sampung taong gulang, “Bakit tayo mahirap?” Sinabi ng nanay ko, “Alam mo, madali lang yumaman ngayon kung papasok sa gobyerno. Maraming mga writer na nagtatrabaho para kay Marcos. Gusto mong gawin namin iyon?” Tumahimik ako at napag-isip-isip. Siyempre, hindi naman talaga malinaw sa akin noon kung ano ang ibig sabihin ng mamasukan sa rehimen ni Marcos pero tumimo sa aking isipan ang kanyang sagot. Nang lumaon ay nalaman ko na rin ang dangal sa likod ng simpleng tugon sa akin ng aking nanay. Yaon ang dangal na maipagmamalaki ng aking mga magulang, kapwa mahuhusay na manunulat na hindi kailanman naging mga tagasilbing manunulat ng isang madugong rehimen. Hindi naging “court poet” ang tatay kong napakagaling na makata tulad ng ibang kapanahon niya. Kinaya niya ang gutom at hindi niya kailanman ibinenta ang kanyang panulat at kaluluwa. Nang nasa kolehiyo na ako ay makikilala ko rin ang ganitong dangal kina Renato at Letizia Constantino na nakapagsulat ng kasaysayan na magmumulat sa isang buong henerasyon ng mga aktibista kahit pa minaliit ng mga empleyadong historyador ni Marcos ang kanilang akda bilang magaan at kulang sa batis. Oo, dapat lang maging kulang ang ganitong klaseng akda. Dapat lang na hindi sila nakapaglakbay sa mga mayayamang arkibo sa Estados Unidos, Espanya o alin pa mang bansa sa Europa. Dapat lang magkulang ito dahil nasa panig ang kanilang sinulat na kasaysayan ng nagkukulang sa damit, tirahan, pagkain at pag-asa. Nasa panig ito ng mga gutom na babangon at magpapabagsak sa diktador at sa hinaharap ay babangon at babangon pang muli sa ilalim ng bandila ng anakpawis.

Di ko malilimot ang isang bahagi ng nobela ni Carlos Bulosan nang umuwi ang batang bida sa Pozorrubio pagkaraan ng isang panahon ng paggala. Nakita niya na ang kanyang nanay na ang nag-aararo sa bukid. Tumakbo siya patungo sa kanyang nanay para kunin ang araro. Tinanong siya nito na magkahalo ang ligaya at hinagpis, “Umuwi ka na anak?” Niyakap siya ng kanyang nanay at pabulong nitong sinabi sa kanya, “Mahirap lang tayo anak, mahirap na mahirap tayo anak.” Itong gutom at hirap na ito ang hindi mabubura ng makikinang na salaysay na hinahabi ng mga manunulat at historyador na hindi nagugutom at hindi nakakarinig ng boses ng mga nagugutom. Dito sa bandang atin, ganito ang ibig sabihin ng materyalismo sa pag-aaral ng kasaysaysan. Ito rin ang ibig sabihin ng katotohanan sa pagsusulat ng panitikan.