Essay Issue 22

ISSUE 22 : JULY-DECEMBER 2016

Roland B. Tolentino

Never Again, o Why Never Will There Ever Be a Never Again

Hindi na muli, hindi na magpakailanman. Gusto kong isipin, ang Never Again ay ang capsule na lesson learned o branding sa trauma ng martial law at ng conjugal dictatorship (oo, Mag-asawa, Inc. dahil kahit wax na si Ferdinand ay umaariba pa rin ang galamay ng Marcoses sa pamamagitan ni Imelda). Nilikha ng Marcoses—ang mag-asawa noong kasagsagan ng diktadurya, at sa kanilang comeback, kasama na ang mga anak sa Marcos, Inc.—ang Kasaysayan na nabuwag ng aktibong pagsasabuhay (kontraryong politikal na claim) ng kasaysayan ng mga mamamayan (sa tulong ng alternatibong midya, bumaligtad na militar, simbahang Katoliko, at backing ng emperyong US) sa pagpapatalsik sa Marcoses noong 1986.

Ang naging tugon ng mga sumunod na mga administrasyon ay kids glove treatment sa bigat ng trauma sa diktaduryang Marcos: ibinalik sa mga nadisfrantsisang pamilya ang mga kinamkam ni Marcos, hindi nagkaroon ng pangil ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na inatasang kubrahin ang Marcos wealth, at sa palipat-lipat ang faksyon ng naghaharing uri na lalong hindi naging mapagpasya ang tugon sa laban sa Marcos. In fact, wala naman talagang inilaban ang mga administrasyon na nakapaglinya sa labis na kasamaan at abuso sa kapangyarihan ng diktaduryang Marcos. Mamamayan (plus-plus) ang umakda nito noong 1986.

Bakit nga ba tayo nagtataka pa? Lohikal ang sistemikong pagbura ng estado—at ang galamay nito sa mga pambansang administrasyon—sa kalabisan ng kasamaan ng diktaduryang Marcos at ang consequence nito sa lohikal na comeback ng Marcoses simula noong 1991, kulang sa anim na taon lamang nang mapatalsik sila! Lohikal na binura dahil hindi tulad sa mga bansang nagkaroon ng fact-finding commission para pag-aralan ang, at sa maraming pagkakataon kasuhan at ipakulong ang maysala sa, naging kalabisan ng apartheid sa kaso ng South Africa, at diktaduryang militar sa kaso ng South Korea, Indonesia, Chile, at mga bansa sa dating Eastern European bloc, wala man lang binalangkas na ganito para sa Pilipinas matapos ang 1986.

Hindi kataka-taka na sa pagbabalik sa kapangyarihan simula 1991 hanggang sa 2016 nang muntik-muntikan pang manalo si Bongbong Marcos sa pagka-bise pangulo ay malalim pa rin ang ugat ng kapangyarihang kumakandili at nagpapatayog pa sa Marcoses. Tunay na nagmamanikluhod lamang ang mga adminstrasyon dahil sistematiko silang hindi naging decisive sa pagtabas ng puno ng kapangyarihan ng Marcoses. May gad naman, lampas sa 20 taon silang iligal na naghari sa bansa, paano naman hindi nila mapapaluhod ang mga administrasyon sa dambana ng Marcoses?

Hindi naging decisive dahil may pakinabang ang mga administrasyon sa Marcoses: si Cory para may contrast sa kanyang imaheng wagas at dakila kaya keri ang exile ng Marcoses mode lang, si FVR na heneral ng Marcoses para maiba sa poong nagpayabong sa kanyang sariling politikal na ambisyon, si Erap na bahagi ng politikal na network ng Marcoses, si GMA na busy sa pag-atupag sa sariling politikal na base-building, si Pnoy na any-any ang panunungkulan sa pagkakapangulo basta hindi pro-mamamayan, at si Duterte na kinailangan ang suporta ng lahat at latak na tumulong sa paghakot ng 16 milyong boto!

Ito na lang ang aking iniisip at nais isipin. Nagtapos ang Evita, isang musical tungkol sa vanity ng babaeng nangarap nang labis na politikal at finansyal na kapangyarihan, sa Broadway at West End matapos itong unang itanghal noong 1978. Ang anumang pagtatangkang manumbalik ay by way ng revival. Binubuhay ang yumao na. O ayaw pang ilibing ang patay. At kung revival, hindi na ito lubos na nasa rurok ng kapangyarihan tulad ng orihinal na pagtanggap nito.

Simboliko ang diskurso ng Never Again at rebisyonismo sa kasaysayan sa bangkay (bangkay pa nga ba talaga kung wax na ito?) ni Ferdinand Marcos. Ito ang patay na katawang kumakatawan sa kapangyarihan (anting-anting) ng buhay na Marcoses at ang kanilang loyalists sa isang banda, at ang katawang representante ng kasamaan ng diktaduryang Marcos (ang primordial na katawan ng Marcoses) at mga kritiko sa kabilang banda. In the meantime, sa sana ay tunay na pagtuldok sa debate, ang pagpasa ng administrasyong Duterte sa Supreme Court ang pagdesisyon sa katawang ito, at ang entitlement na bahagi ng kultura ng impunidad na pinasimulan ng Marcoses.

Pero ang katawan ay katawan lamang din. At best, may value-added ang magiging desisyon ng Supreme Court sa lehitimasyon ng katawang representatibo ng naagnas na kapangyarihan ng may kapangyarihan sa bansa—ang wording kung ang preserbadong si Marcos at de facto ang Marcoses sa kasalukuyan, pati ang kanilang politikal at ekonomiyang claims sa kanilang ninakaw—at patuloy na hino-hostage—na kaban ng bayan. Hindi na lamang usapin ng bayani ang nasa katawan ni Marcos at ang kinakatawan nitong kultura ng impunidad kundi ang politikal at ekonomiyang claims ng Marcoses: kung inabuso nga ba nila ang kanilang posisyon para sa labis na ekonomiyang ganansya at politikal na pang-aabuso.

At kung ganito, may pagtuldok hindi na ellipsis, sa Marcoses at sa patuloy na lehitimasyon ng Never Again. Pero mayroon pang isang nakapaglinya na sa Marcoses, ang kasaysayan ng 1986 o ang kontra-Kasaysayan ng Marcoses. May paglilinya na ang kasaysayan mula sa ibaba sa diktaduryang Marcos, kaya nga napatalsik ito, kaya nga muling nakapagpatalsik ito noong 2001, at muntik-muntikan na noong 2005. Kaya ang trauma ng martial law at diktaduryang Marcos ang siya ring bagahe kung bakit hindi muling makakanumbalik (revival) ang Marcoses sa antas na nais nilang makamit, lampasan sa nakamit ng diktaduryang Marcos dahil ang Never Again, ang enkapsulasyon ng matagumpay na pagrehistro ng kontraryong kasaysayan sa Marcoses, ang muli’t muling tagapagpaalaala na move on na tayo dahil hindi namang pwedeng same-same na ulit.

Ang Never Again ang primordial na kasaysayang sandali na nakapagpatumba at patuloy na nagpapatumba sa Marcos claims. Ito ang kontraryong claim sa Kasaysayan ng Marcoses, pati na ang kanilang patuloy na hold-up sa kaban ng yaman ng bayan. At dahil ang Never Again ay orihinaryo, hindi ito mauulit muli bilang same-same rin. Kailangan lang ding imemorialisa ito bilang kontraryong memorialisasyon sa patuloy na rebisyonismo ng Kasaysayan ng Marcoses at ng galamay nito hanggang sa kasalukuyan at sa hinaharap na administrasyon.

Ito ang hindi na rin magkakaroon ng hindi na muli, hindi na magpakailanman, Why Never Will Be A Never Again. Kailangan ng ibang diskarte sa patuloy na kultura ng impunidad ng Marcoses, sentral at lampas sa paglibing sa katawan ni Ferdinand sa Libingan ng Mga Bayani, sentral at lampas sa pagiging aktibo sa panahong muntikmuntikan nang manalo si Bongbong sa pagka-bise pangulo, sentral at lampas sa next generation na cultural capital accumulation ni Borgy at ang millennial cohorts nito, sentral at lampas sa stem-cell rejuvenation ng mukha pero hindi budhi ni Imelda, sentral at lampas sa “let’s forget the past” at “let’s just move on.”

Hindi tayo makaka-move on dahil hindi naman pa ofisyal na tinutuldukan ang binuburang nakaraan.