Poetry Issue 23

ISSUE 23 : JANUARY-JUNE 2017

Faye Cura

Hindi Siya

Lagi siyang tumatangging lagyan ko
Ng kolorete ang mukha niyang maamo
Kahit na ito ang isang bagay na alam na alam kong gawin
At siyang bumubuhay sa amin. Sige na,
Giit ko; nais ko lamang na makita sa salamin
Na maaari ngang magkatawang-tao ang diyos
Dahil sa akin.

Lalaki ako, ang natatawa niyang tugon
Na tila kailangan pa niyang ipaalala
Na tumitigas ako, at nalulusaw din
Sa simpleng pagtaas-baba ng kaniyang gulunggulungan.
Ngayon, kailangang ikabit
Ng pandikit ng karton ang kaniyang ulo

Sa matipunong balikat. Napunit ang kaniyang balat.
Sinimulan ko ang muling pagbubuo
Sa kaniya sa maingat na pagpapasak ng bulak
Sa mga butas sa dibdib niyang maraming taon kong sinisimsim;
At pagkuwa, sa mga bisig niya at daliring
Tuwinang bumabaklas sa akin
At sila ring sumangga sa sariling mukha

Nang pagbabarilin siya ng mga di-kilalang salarin
Isang gabing hindi ko inakalang darating.
Binunot ko na ang balang naipit
Sa ngipin niyang paulit-ulit na sumusugat sa aking ari.
Katulad ng banayad na pagwawalis ng dugo niya sa kanal
Ang pagpahid ko ng pula sa labi niya at pisngi.

Hindi ako siya: ito ang huli niyang mga salita
Ngunit kinaladkad pa rin siya mula sa aming banig.
Nang isara ang kabaong, ang naaninag ko sa salamin
Ay mukhang karaniwan at humpak at maputla;
Mukha ng bangkay na naghihintay mailibing.
Hindi kaniya, hindi siya.