Poetry Issue 23

ISSUE 23 : JANUARY-JUNE 2017

Allan Derain

Maliliit na Boses

Maghahating-gabi na ngunit pabiling-biling pa rin sa kaniyang kama ang Manunubos na si Guada, ang Manunubos na si Hugpanlunpeniha Tugpung, ‘Ang Nakaupong Bahaghari’ sa sinauna niyang pangalan. Dahil sa di pagdalaw ng antok, kinuha niya ang munting kahong lalagyan ng kaniyang apog, bunga, at buyo. Sinimulan niya ang pagbibilot ng dahong buyo na pinalamanan ng nganga. Isinumpak niya ito sa kaniyang bunganga at saka sinimulan ang pagnguya. Bukod sa pananabako, ito ang paborito niyang pampalipas oras tuwing hindi makatulog sa gabi. Sa ganitong paraan siya nakakalma kahit na sa maikling sandali. Hanggang sa marinig niyang muli ang nakababalisang huni ng kuliglig.

Tila sa iisang kuliglig lang naman nanggagaling ang ayaw magpatulog na ingay. Pero sinasabayan ng maraming huni ng tila mas maliliit pang mga kuliglig itong ingay na bumabalisa sa kaniya. Minsan tila iisa ngunit minsan naman tila napakarami nila, kumakalat sa buong silid at inaabot ang Manunubos sa kaniyang kinahihigan, gusto siyang paligiran at pagkalipumpunan. Hindi niya tuloy maiwasang ikumpara ito sa ingay ng mga magsasaka at mangingisdang nagpiket sa harap ng bahay kaninang umaga. Humihingi ng sarili nilang lupang mapagtataniman ang mga magsasaka. Ngunit ang lupang kanilang hinihingi’y pamana pa sa kaniya ng kaniyang Ama. Hinihingi naman ng mga mangingisdang tanggalin na ang mga bakod sa dagat at ilog, ngunit matagal na niyang itinayo ang mga bakod na ipinatatanggal.

Ayaw niya talaga ng ingay. Ang gusto niya’y ganap na kapayapaan. Kaya mabilis siyang humingi ng tulong sa kapatid niyang si Pampilo na tagapayapa sa kanilang mga nasasakupan, kay Nandialung Tabungles na ang ibig sabihin ay ‘Nagwagi sa Digmaan’ sa sinauna nitong pangalan. Tatlong batalyon ng mga armadong sundalo ang iniharap nito at inutusang magpatahimik sa mga maiingay. Ganoon lang kadaling nalutas ang kaniyang problema kaninang umaga. Ngunit mas matigas ang ulo ng kuliglig na ito.

Pinasakan niya ng bulak ang kaniyang mga tainga. Nawala ang huni. Inalis niya ang bulak. Nagbalik ang huni. Tinawag niya si Pampilo na natutulog lamang sa kabilang kuwarto. Pinaparoon niyang mabilis sa kaniyang kuwarto. Pagsapit ng kapatid na nakasuot pa ng pantulog na kamiseta’t kansulsilyo, tinanong agad niya rito kung may naririnig ba itong huni ng insekto. Mayroon daw. Kaya tumibay ang kaniyang paniniwala. Hindi ito tinitus lang tulad ng hatol noon ng kaniyang doktor. Hindi lamang sa loob ng kaniyang tainga nagmumula ang huni, bagama't may ilang gabi na rin siyang ayaw patulugin nito. Pinabalik na niya sa pagtulog ang kapatid na nagpupungas pa ng mata. Pero bago nakalabas ng kuwarto, ipinatawag niya rito ang kanilang mga bantay. Pinahanap niya sa mga ito ang pinagmumulan ng huni.

“Halughugin n’yo ang buong silid.”

Binaligtad nila ang lahat ng mababaligtad. Binuksan ang lahat ng nakasara. Itinuwad ang kahit anong maitutuwad. Matapos ang halos isang oras na paghahanap, natuklasan din ang pinaglulunggaan ng kuliglig na salarin. Natagpuan itong nagtatago lang pala sa ibabaw ng tatlong patong na koronang regalo pa kay Guada ng yumaong Ama. Ang tatlong patong na koronang sumasagisag sa langit, lupa, at dagat.

“Ang lakas ng loob ng insektong ito at dito pa nagtago,” ang sabi ng bantay na nakakita rito.

Ngunit hanggang sa pagharap sa nanunuring mga mata ni Guada at sa napipintong kamatayan, patuloy pa rin sa kaniyang ginagawang ingay ang kulisap. Nangunot ang kagalang-galang na noo ng Manunubos, ngunit kita sa mga mata nito ang tuwa. At marahil, dahil batid na nitong nayayamot na Manunubos na ang kuliglig na iyon ang kaniyang inaalagaang budhi, dahil ang budhi ng mga Dios ay madalas ngang mag-anyong kuliglig, iniutos niya sa bantay na itapon ito sa palikuran at tuluyan nang ilubog sa inidoro.

Nagbalik sa wakas ang katahimikan sa silid ni Guada ngunit simula rin noon, salamat sa halimbawa ng Manunubos na si Hugpanlunpeniha Tugpung, ‘Ang Nakaupong Bahaghari’, natuklasan din ng ibang mga Dios kung paano magpatahimik ng sarili nilang mga alagang budhi. Matutuklasan din nilang sa taglay nilang kapangyarihan, puwede naman pala silang mabuhay nang wala ang mga kuliglig na ito sa kanilang tabi.



(Mula sa Ang Banal na Aklat ng mga Kumag)