Poetry Issue 23

ISSUE 23 : JANUARY-JUNE 2017

Marlon Hacla

Mula sa Melismas

Tatalilis ako mula rito bago pumutak
ang mga tandang. Pati ang hangin, napuno na
ng problema. Paano ba ililipat ang mga ibon,
paano sila aawit, paano nagiging tanong
ang mga awit? Paano ko iisipin ang mukha mo
sa liwanag? Paano ko iisipin na kalahati
ng magdamag ay dilim at ang kalahati
ay ang nahihimbing mong mukha? Ang musikang
umangkin sa akin ay nagsilbi nang paliwanag
ng mga kinikipkip kong pangamba. Nagkalat sa daan
ang mga tubò, amoy asukal na ang aming hininga.
Mga bagay na hindi mabibili ng salapi. Mga bagay
na hindi mo magagawa kung hindi ka papatay o
mga bagay na kapag pinabayaan, nagiging bukid,
nagiging mga salaming pang-usisa ng mga bituin.
Kung minsan na siyang sumama sa mga puta,
paano ko siya gagawing umaga ng aking mga umaga,
punyal sa mga daluyong ng mga gabing-sindak,
dakilang kalawakan sa unang araw ng paglalang?
Ang tanaw, ginto na dahil sa mga mais.
Sumipol ka hanggang sa sumipol din
ang mga anghel. Sa iyo ang mga bugambilya,
akin ang mga butil ng diyamante, ang mga maririnig
nating magagandang himig, paghahatian natin
balang-araw kung patuloy tayong pagpapalain.
Turuan mo akong sumuong sa panganib at tuturuan
kita ng pag-iisang may katatagan, armado
ng mga kasangkapan laban sa lumbay. Huwag mong
pansinin kung hinahabol man ako ng mga sakuna.
Kung madiskubre mo na may pagnanasa ako sa iyo,
may sampung daliri lang ako para sa mga paliwanag,
kaya asahan mong ang usapan ay mababaling
sa mga suliranin ng bukas at sa mga pagsubok
ng hinaharap. Ano nga ba ang para sa akin
at ano ang para sa ikagagaan ng iyong
paghihirap? Ang habilin sa atin: kukurap
ang himpapawid kapag inalipin na tayo
ng ating pinananabikan. Estrangherong bitbit
ang isang maleta ng mga dokumentong
magpapaliwanag kung paano hindi magwawakas
ang ating pagkabalisa. Payak sa habang panahon.
Mga katawang ilahas. Mga lengguwaheng ginagamit
lamang sa eksorsismo. Kung nagtiis ka lang sana
nang isang dekada, hindi ito mangyayari.
Hindi ito maiintindihan ng kinauukulan.
Sila’y mga demonyo sa panahon ng kasaganahan.
Mga anghel na hilaw sa kabanalan. Isang lupaing
pangako, na sa papel, kumpleto ng mga sistema
ng irigasyon, may buhol-buhol na daan
para sa komersiyo, may mga pintuan
para sa panahon ng emerhensiya, ngunit
kapag sinukat, kasya lamang para sa sampung
ataul. Isang lupaing tumatangis kapag sumasagi
sa mga isip natin ang paglisan. Isang lupaing
umaawit kapag tayo’y nagtatalik, isang lupaing
nagpapalit ng pangalan kung isa sa ating minamahal
ay namatay. Lugar na nasa gitna ng pagkaligaw
at luwalhati. Lugar na kung tawagin
ay Ulang Walang Tigil at kung minsan
ay Patayang Walang Katapusan. May museo
para sa mga bagay na dadaan sa ating kamay
ngunit hindi natin mauunawaan:mga prutas,
abo, asin, litrato ng mga sugat, sisidlan
ng mga diyamante. Mga puting ibon sa puting
himpapawid. Kulong-kugong-babae sa bukana
ng bawat bayan na para bang susuong na tayo
sa magandang bukas, may mga bughaw na dapithapon,
may mga binibining sa labis na kagandahan,
walang tigil sa pagbabago ng hubog. Himpapawid
na may mga nagbabagang kabayo at nagbabagang
karwahe. Pagdami ng mga matang-sugat
dahil ang mukha natin sa gabi ay iba na
sa mukha natin sa umaga, ang mga obserbasyon
sa kahubdan ng bawat isa, naging mga tanong
na isinama sa listahan ng iba pang tanong
tungkol sa mga dapat nating ikilos sa kalangitan.
Oo, natatakot ako, ngunit kailangan nating magmadali.
Ang lungkot, dumarating tulad ng isang lumang
awit, hindi mo alam kung kailan lalabas
sa bibig. Gumagawa ng bitak-bitak na espasyo
sa isip tulad ng mga espasyong ginagawa
ng paghihintay. Tulad ng mga argumentong niyakap
na natin sa pagnanais na lampasan
ang mga panganib ng kasalukuyang panahon
sa pagbabakasaling may mga darating na bagong
misteryong bukas sa mga iniisip nating laro:
paghahawakan sa baywang, pag-uusisa sa kalambutan
ng balat ng isa’t isa, seryoso sa mga saloobin
na ang mga bagay na ninanais natin
sa sandaling ito ay siya ring mga bagay
na nanaisin natin kahit pa lisanin tayo
ng katinuan. Kung hahaplusin mo lang sana
ang mga palad ko, dadaloy ako sa mundo.
Mangyayari ako sa pagitan ng aking mga iniibig,
susulpot sa dulo ng mga aleluya sa mga umagang
tangan ang mga katahimikan ni Isaias, dala
sa dalawang kumpas ang mga awit ni Solomon.
Kung saan man ako itulak ng katandaan.
Kung saan nagsasabay ang ritmo ng katawan
atang angil ng hangin, kung saan ang bato,
nagiging laman, at ang laman, nagiging
pagsusumamong dalisay, nananabik
sa mga makalangit na pag-iisa.
Mga salitang nanatili sa lugar
kung saan sila binitawan dahil sa labis
na bigat. Dahil sa labis na tuwa,
para na akong bata. Pag-ihip sa tainga,
saglit na hipo sa gilid ng leeg, paglalagay
ng mga daliri sa bibig, mga sensasyong
bukas sa iba’t ibang interpretasyon, handa
sa iba’t ibang saliw. Mga halik na itinatanim
sa balat hanggang maging bahagi na ng katawan
magpakailanman, dumaan man ang pagkabulok,
sunugin man ang kaluluwa nang isang daang beses.
Paglaruan man tayo ng tag-init. Mabuhay man
ang hangin, maglakad man bigla ang mga bundok,
lumipad man ang mga bahay, lunukin man tayo
sa isang iglap ng mga iniisip natin sa magdamag.
Mga tatapusing relasyon, mga burador
ng mga sermon na ibibigay kinaumagahan
para sa ikabubuti ng komunidad. Tamaan na
ang tamaan, ngunit susulong tayo sa pagkakahati-
hati ng ating mga takot, papandayin ang mga susi
sa ating mga kontradiksiyon. Sinuman ang may dalawang
puyo, ipatapon sa Dagat-dagatang Silab.
Dahil nalibang ako sa aking pagbubulaybulay,
hindi ko namalayang nagising na pala
ang mga bulkan. Maglista ka ng isang daang
paraan kung paano tayo makakatakas. Pagsipol
sa gabi. Pagbasag sa mga salamin. Mga pulang
damit upang paigtingin ang natitira nating
kaliksihan. Pagpapalakad ng mga manok
sa ulan. Upang makabalik, ilibot ang mga kalapati
sa bawat silid nang pitong beses. Pangalanan
ang bawat taling. Mga kuwadernong inipitan
ng mga puting balahibo kung sakaling
nakawin ng mga demonyo ang ating sasabihin.
Siguraduhing hindi makakapasok ang mga paruparo
upang hindi tayo mawalan ng salapi.
Tumbasan ng mga perlas ang mga luhang itinangis.
Baligtarin ang mga unan, humarap sa silangan
kung hihimlay, magbulsa ng mga luya
kung susuong sa pakikipagsapalaran.
Ipagbawal ang paliligo bago magsugal,
pagkatapos magsimba, sa piyesta ni San Lazaro,
ipagbawal kapag nagkrus ang dalawang
bahaghari. Ipagbawal ang pagreregalo ng panyo,
matutulis at matatabang bagay, mga instrumentong
pumipintig. Pukawin ang kaniya-kaniyang bait.
Hayaang ilatag ng bawat isa kung paano niya
pagpipira-pirasuhin ang mundo. Ngunit paano mo nga ba
ako aangkinin? Paano mo ikakasal ang aking kalabuan
sa iyong pagkalito? Kung ikaw ang buwan at ako
ang mundo, paano tayo magsasanib nang hindi
nadudurog? Paano mo lilibangin ang isip ko
kung matanto kong tayo’y nahuhulog
sa isang balon, mga puwingsa mata ng impiyerno,
bumubulusok sa isang hukayna tinambakan ng mga gulok?
Makikinang na salita,marahil. Sa mga madaling araw
na masumpunganang sarili na naglalakad sa mga eskinita,
mga pangungusap na maaari kong isigaw
sa pagbabakasakaling may magigising, sisilip
sa bintana, maglalagay ng balabal, magsusuot
ng sapatos, at sasama sa akin sa pagsigaw
hanggang sa ang buong distrito ay magising,
hanggang ang buong bayan ay kumilos mula sa kunwa-
kunwarian nitong pagtulog, at malasin kung paano
ipinapaskil ng langit ang kanilang mga sugat
sa mga bakanteng espasyo ng gabi. Dahil kung hindi
sa mga paglalakad na iyon, matagal na sana akong nabaliw.
Matagal na sanang tumigil sa pag-awit sa atin
ang dalampasigan kung mas marubdob lang sana tayong
umawit. Bakit nga ba? Dahil abala tayo sa pagtatasa
ng pinsala ng mga nagdaang salot, dahil sa pagbagsik
bigla ng mga alon sa laot, dahil sa panaka-nakang
pagsulpot ng mga bola ng liwanag sa mga sulok
ng siyudad, sa mga talipapa, sa mga lugar kung saan kumpol
na natutulog ang mga bata? Mga paglitaw na para bang
ang mga ito’y may sinusukol batas na naglalayong
ilayo ang atensiyon natin sa kamatayan. Parang paghahanap
sa bibig sa likod ng mga kulog, pagtitiklop
ng mga daliri upang gayahin ang buko ng isang
bulaklak. At ayon sa mga krokis ng mga kahihinatnan
ng ating mga pagtataksil, lilitaw tayo sa kabilang
buhay bilang mga eroplanong bitak-bitak. Mga batong
panangga sa mga alon, mga inaanod na bahay, kompesyunaryo,
mga lubid na gagamitin sa pagpapatiwakal. Tila walang
itinatago ngayon ang dapit-hapon, marilag ang damit
ng himpapawid. Kaniya-kaniyang bitbit ng lumbay
ang mga ulap habang sumusuong sa takipsilim.
Tila uulit na naman ang mundo. Babalik sa simula.
Mga batong hardin. Mga kaluluwang
dahil sa kahinaan, natutong kumapit sa mga maririkit
na bagay. Mga maliliit na templo. Kuwarto ng albularyo.
Mga diyamanteng hindi napapaamo ang kinang.
Iyong apoy na lumalabas bilang sumisilip
na bahaghari kapag natatamaan ng sinag
ang pisngi ng isang binibini. Dahil imahinasyon
ang una sa lahat ng mga lason. Mga hakbang
na maiisip mo sa gitna ng isang aksidente,
mga salitang pang-akit upang buntutan
tayo ng magandang kapalaran ngayong humahanap
tayo ng posisyon upang takasan
ang Panahon ng Sampung Libong Alon ng Kalungkutan.
At dahil ang mga sitwasyong ito ay nangangailangan
ng mga madaliang pagkilos, paulit-ulit
na ang aking sinasabi: ang ulan ay pula,
ang pulang katawan ng ulan ay pumupusag,
ang ulan ay pumupuslit sa mga pulang ilog
at sa mga pulang lawa dahil hindi nito alam
kung paano gugugulin ang sariling enerhiya.
Ang mga motibo ng aming pagpapanggap ay bago
tuwing umaga, paligoy-ligoy ang aming pagtatapat.
Puno ng mga pangakong singpino ng buhangin,
puno ng mga grasyang naghihintay sa lahat ng sulok
para sa pagiging ganap ng ating kapusukan.
Mga mukhang naarawan ng isang araw na ginintuan
ang mga sinag, mga sinag na layong hiluhin
sa ningning ang bawat mahihipo. Pulutin man tayo
sa kangkungan, may mga silid na inihanda
para sa atin ang Panginoon, hindi tayo magkukulay
abo. Mga libretang pinuno ng mga pangalan ng bagyo.
Mga bundok na nag-anyong telon. Mga paunang reklamo
ng laman. Mga bulong mula sa mga bahagi ng katawan
na nanghihimok na abutin ang sukdulan ng kapangyarihan
ng isip na gawing tanaw na ibinalot sa elektrisidad
ang paligid, panorama ng mga nagbabanggaang katawan
ng tubig, isang dumaraang ulan na pinahihiram
ng lakas upang bago lumipas ay makapagpamalas
kung paanong kaya niyang pagtugmain ang mga mumunti
nitong mga patak sa mga lantay na buntonghininga
ng mga sinimulan nang bawian ng bait. Inilapit
ng aking minamahal ang kanyang bibig sa aking
tainga (at ako’y naging tunaw na tanso, eskinitang
nilulunod sa rododenro, usok na hindi mapakali
sa paglutang habang nagmamadaling hanapin
ang sariling hubog bago maglaho) at umawit
ng isang awit ng paglisan: la la la, la la la, la la la, la la la.