Poetry Issue 23

ISSUE 23 : JANUARY-JUNE 2017

Nanoy Rafael

Oyayi ni Jenny

Di sasapat ang mga bituin
Upang mawala ang takot sa dilim
Di mahehele ng kuliglig
Pangamba ang laman ng panaginip

Walang malay ang daigdig
Sa nangyayaring ligalig
O bakit kay payapa ng mundo?

Walang malay ang daigdig
Sa nangyayaring panganib
Gumising ka, lumaban ka, mundo!

Di sasapat ang liwanag ng buwan
Upang mapanatag ang kalooban
Di mahehele ng hangin
Bagabag ang magdadala ng himbing

Walang malay ang daigdig
Sa nangyayaring ligalig
O bakit kay payapa ng mundo?

Walang malay ang daigdig
Sa nangyayaring panganib
Gumising ka, lumaban ka…
Pero di ako sintapang niya…
Pero di ako sintapang niya…

Kailan kaya muling magsasama
Kailan kaya muling magtatagpo
Kailan kaya mapapayapa
Ang aming mundo?



(Mula sa Isang Harding Papel)