Poetry Issue 23

ISSUE 23 : JANUARY-JUNE 2017

Joseph de Luna Saguid

Walang Lugar

Nang matagpuan siya
ng mga hindi naghahanap
sa kanya wala siya
sa sariling lugar

Nang matagpuan siya
ng mga hindi naghahanap sa kanya
wala sa lugar ang kanyang bangkay
unang gabi ng perya sa barangay

Nang ipakita ang kanyang mukha
sa balo ng iba, hindi siya nakilala
wala siyang kakilala
Natagpuan siya
ng mga hindi naghahanap sa kanya

Pinasok ang bahay, isinako ang mukha
Wala siyang nakilala sa mga nakatakip ang mukha
na dumating sa sarili niyang lugar
Ganito ang kuwento ng ina ng iba
na nakatunghay sa kanyang mukha na kahit siya
hindi na niya makikilala

Umuwi siya sa tanging lugar
kung saan patuloy siyang tinatawag
sa una niyang pangalan
Pagbukas ng pinto ng likod-bahay
sa dilim nakilala siya agad ng ama
na sa buong gabi ng kanyang pagtuloy
hindi binanggit ang kanyang pangalan

Pinasok ang bahay, isinako ang mukha
Wala siyang nakilala sa mga nakatakip ang mukha
na dumating sa sarili niyang lugar

May iilang lugar na narinig niyang maaaring pagdalhan sa kanya
Lahat ay daan, talahiban, bilangguan
Burado ang lahat sa dilim ng talukbong
Kung nasaan siya, hindi niya malalaman
Kung nasaan siya, hindi nila malalaman

Mawawala ka sa sariling lugar
Mawawalan ka ng sariling lugar

Walang lugar sa mundo ang karahasan sa kapwa
Walang lugar na pinipili ang mga nandarahas sa kapwa