Poetry Issue 23

ISSUE 23 : JANUARY-JUNE 2017

Christian Tablazon

Manna*

Magiging mapalad siya, na kukuha at maghahagis sa iyong mga supling sa malalaking bato.
Awit 137:9**

Nais nilang isipin na bumaba siya buhat sa langit: sa ganitong paraan naipapaliwanag at nabibigyang-saysay ang kabalintunaan ng bigla niyang pagsapit sa kanilang buhay, isang umaga pagmulat nila sa disinsana’y pangkaraniwan at isa na namang panimula ng pagdaing ng sikmura. Ganito inuunawa ang sadyang baligho; ito ang paghahanap ng kagandahan sa mga pangyayaring batbat ng rimarim. Ganito nabubuo ang alamat.

Salat ang disyertong kanilang binabaybay at tila walang-hanggan ang lawak na tinatahak. Sa mga panahon.ng pamamahinga, sumisilong sila sa mga toldang binabalangkas ang kanilang pangamba sa mukha ng buhangin, sa ilalim ng walang-habas na pagngangalit ng langit, mapaaraw man o gabi.

Malaon na silang patay ngunit nananatili ang lumalalim na gutom sa bawat aninong iniwan na araw-araw linilisan ang dampa upang kumahig sa sukal. Patuloy sila sa pagdami, gaya ng mga sugat sa balat. Banaag sa talim ng kanilang mga tingin ang di-masukat na puwang. Gaya ng pagkaagnas ng bangkay ang pagnanais nilang manginain.

Isang sugo ang umakay sa kanila mula pagkaduhagi. Sa kanyang mga salita nakasalalay ang kanilang buhay; nasa paniniwala lamang umano matatagpuan ang kaligtasan. Hawak niya ang isang tungkod na humahati ng dagat at nagpapasibol sa bato. Ito ang gumagabay sa kanila tungo sa lupang pangako.

Una siyang nasilayan matapos ang pagkusot nila sa mga mata, kasabay ng pagtama ng unang silahis sa bubong ng sanlaksang barungbarong sa kasilinganang iniusbong ng tambakan. Humigit-kumulang pitong taong gulang ang batang lalaki, nagagayak ng mga damit na nagpupuyos ang kulay at magagara ang tabas, at ng pares ng mamahaling sapatos de goma. Walang bahid ang makinis niyang balat, at kay linis ng mga kukong malarosas. Namangha sila sa nakasisilaw na kaputian, nag-iibayong lalo sa pamimitak ng araw.

Ngunit di-naglaon, naging puspos ang kanilang pananambitan: Kami ba ay dito dinala upang ihatid sa kanikaniyang hukay? Hindi na nila kayang manampalataya nang maluwat sa hindi nakikita. Marapat na nilang simulan ang pagtalunton sa kanilang gutom.

Kagandahan ang hiwatig ng kanyang mukha; tampok sa kinang ang mabibilog na mata, waring lipos ng pag-asa; nangingintab ang nangangayumangging buhok; ang mga pisngi, pulampula at namimintog; tangan ng kanyang ngiti ang huwego ng ngiping matitimyas gaya ng ipinakikita sa mga patalastas. Nang lapitan siya ng ilan, nalanghap nila ang maharlikang samyo na lumiligid sa kanyang murang katawan. Mananatiling lihim, pasiya nila, ang kanyang pagkawala. Kung kaya naman nagsimula ang anaw-aw sa kung sinong kukupkop, sinong magpapangalan, kung kaninong barungbarong ang yuyungyong. May ilang nagsiuwi upang maghasa ng itak. Ang mga namalagi, tila mababangis na hayop na nagsipilasan ng buhok, nagsibangasan ng buto, nagsilaslasan ng balat gamit ang ngipin at kuko. Duguan maging mga paslit: ni hindi nagawang humikbi, maging marapat na anak lamang ng mag-anak na aari.

Kinakailangan ng himala upang bigyang-hubog ang Salita, upang magpatotoo sa kanilang mga mata ang mga biyayang hinugot mula sa wala at pinag-usbong ng di-malirip na kapangyarihan. “Naulinigan ko sila. Sabihin mo: kayo ay kakain nang sa gayon batid ninyong Ako, ang Poon, ang inyong Bathaluman.”

Natigilan silang bigla at nagkatitigan nang marinig ang impit na hibik ng tiyan ng isa sa kanila, at ng isa pa, at ng isa pa.… Napahagikgik ang batang lalaki sa nakatutuwang dugtungan ng pagkalam. Sa kanya nalipat ang tampulan ng lahat.

Nang magising sila kinaumagahan, hindi nila mapaniwalaan ang tumambad; pinukaw ang kanilang nasa at pandama ng paghalik ng langit sa lupa, sa anyo ng tanawing nababalot ng tinapay: O anong kay puti, anong kay bango! Bukambisig naming tinatanggap itong kaloob, lubhang napakadalisay—

Walang bahid-sala ang kanilang paglalaway.



* Alay sa mga biktima ng Diktadurang Marcos at sa mga inapo ng mga salarin
** Naunang sinipi sa Ingles (NIV) ni Sandra Nicole Roldan sa “Imago Dei” sa High Chair 22