Poetry Issue 23

ISSUE 23 : JANUARY-JUNE 2017

Rosmon Tuazon

Thich Quang Duc

Baka nahuhuli ka sa balita, pero may mongheng
naligo ng gaas sa may interseksiyon at ngayon ay tangan
ang isang palito. Ngayon ay 1963. Ito ay Saigon.

Kung wala ka rito ay baka nawawala ka,
sa kasukalan, gumaganti ng putok sa mga puno,
o nakatanghod sa bintana ng silid-otel, pinagugulong-

gulong sa daliri ang balang laging bagong-punas, sa isip
ang nalalapit na parada. Habang pilit tinutularan ng liyab
ang posisyong lotus ng kaengkuwentro:

kung ayaw pumalag, alangang apoy,
sabi mo, sakaling isa ka sa mga nasa gilid ng kalsada,
sa hilera ng mga nagwawala’t nagngangangawa

na parang mga trak ng bomberong paikot-ikot lamang
sa lungsod, iniiwasang matunton ang sunog.
Ngunit ano ang matutubos bago matupok

ang isa sa kanila? Dali, may umigib ng kahit santimba
nang maibsan ang lapnos ng apoy, nagsusumamo,
tinutusta ang tainga ng monghe sa bawat bulong nito.

Kung wala ka rito, baka ika’y paroo’t parito
sa iyong opisina, hinihilo ang silyang hindi mo maipaubaya.
Na parang sisilaban ka anumang sandali ngayon,

niririndi ng tili ng punglo na tila sa isang puntirya lamang
posibleng dumapo. Pero huwag kang mabahala
sa ngayon. Walang apoy, walang monghe, wala ka roon

sa umpisa pa lamang. Ngunit may bunton ng uling
na waring nakaposisyong lotus sa may interseksiyon.
Ito ay Saigon. Ngayon ay 1963. Malamang buhay ka pa.



(Mula sa Mula)