Poetry Issue 3

   Issue#3: April - June 2003

Allan Popa


Parikala


      Gusto kong isiping ako ang unang nakakita

      Sa kaniya: isang babaeng walang suot

      At hiya na humakbang sa gitna ng madla.

      Nagsunuran sa aking titig ang lahat ng naroon.

      Nagbulungan. Ngunit tumahimik nang biglang

      Magsalita ang babae at winika: Ngayong nahuli ko

      Ang inyong pansin, huhubarin ko ang parikala.

      Umugong muli ang malagkit na malisya.

      Ano pa nga ba ang tatanggalin niya sa kahubdan?

      Payat na payat ang babae. Tuyot ang mga suso.

      Banaag sa lawas ang kaniyang kalansay.

      Mababakas ang hilom na hiwa sa sinapupunan.

      Yumuko ang babae at hinaplos ang hubog

      Ng kaniyang katawan mula paanan, paitaas

      Hanggang mahubad ang manipis na kasuotan.

      Namangha ang lahat sa hawak niyang saplot

      Na walang pinaglayo sa balot ng bagong

      Silang na sanggol o bestida ng mangingibig

      Na marahang lumalapit sa kama ng pagtatalik.

      Tumahimik muli ang nakaligid na manonood.

      Nasa akma siyang muling magsasalita.