Poetry Issue 4

   Issue 4: January - June 2005

Rosmon Tuazon


     Silid ng Laho

1

 

Tuloy. Matagal nang pinahintulutan

ang awang sa pintuan.

 

Dahil laging may nagbabadyang

dumating. Dahil walang dumarating

 

nang hindi sinasadya. Kilala mo siya,

sakaling may sumilip mula sa loob.

 

Kikilalanin mo siya na tila anino mong

inungusan ang iyong paghakbang, umaasa

 

na muli mong susunduin

upang lalong itakwil. Ngunit alam mo

 

ang hindi nababawi sa pagkurap, ikaw

na umaapuhap

 

na parang nanggaling ka na rito.

At parang nanggaling ka rito.

 

 

 

2

 

Tumuloy ka. Mag-ingat.

Baka matisod sa mga aklat na nagkalat.

 

Baka dumupilas ang matyag

na hindi makaigpaw sa tikas ng mga estante.

 

Bakante.

Nakanganga ang kanilang mga baitang.

 

Ikinakaila nila kung saan sila naghahanggan

habang sakop nila ang bawat puwang.

 

Naglisaw ang bulungan.

Hanggang ngayon, may nagtatanong,

 

saan dapat simulan ang paghahagilap.

Sa bawat sulok, may pagmumukmok,

 

may paghihintay sa senyal

na matatalos lamang sa isa pang senyal.

 

Lagi nilang dahilan ang pagkapiit.

Walang umaamin ng hangad manatili.

 

 

 

3

 

Tumuloy ka lamang. At magtanda:

kung hindi ito liblib, hindi ka naliligaw,

 

at wala ring naisisiwalat sa lubhang

nakatitiyak. Ngunit sandali,

 

may humuhugot ng aklat

mula sa dunong ng alikabok at amag.

 

May nabubuklat, iigkas ang bakas ng wari

ay mga titik.

 

Dadanak sa pahina ang itim,

animo’y malapot na tinta.

 

At marahil ikaw ang nagwika, Tapos na.

Isinara ang aklat bago pa ito maisulat.